Pormal nang ilulunsad sa Abril 24 ang Class 3 modernized vehicles ng MIMAROPA Transport Cooperative para sa rutang Odiongan–San Agustin via San Andres at Calatrava, bilang bahagi ng modernisasyon ng pampublikong transportasyon sa lalawigan.
Ayon sa kooperatiba, inaasahang magsisimula ang operasyon ng mga bagong sasakyan na naglalayong magbigay ng mas ligtas, maayos, at komportableng biyahe para sa mga pasahero sa Romblon.
Bahagi ang inisyatibong ito ng Public Utility Vehicle Modernization Program ng pamahalaan sa pangunguna ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Department of Transportation.
Kabilang sa mga tampok ng Class 3 modernized vehicles ang air-conditioned units, may TV, CCTV, dash cam, at GPS system, gayundin ang mas mataas na safety standards at environment-friendly na makina na gawa ng Isuzu.
Sa kabuuang 10 unit na inaasahang ilalaan sa kooperatiba, tatlo ang inaasahang darating para sa initial rollout ng operasyon sa nasabing ruta.
Ayon sa kooperatiba, ang paglulunsad ng modernized vehicles ay patunay ng pagtutulungan ng sektor ng transportasyon, pamahalaan, at komunidad upang mapabuti ang serbisyong pampubliko sa lalawigan.



































Discussion about this post