Nakakulong muli ang isang 42-anyos na lalaki sa bayan ng Odiongan, Romblon matapos siyang maaresto sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng Odiongan Municipal Police Station nitong umaga ng Miyerkules, Hunyo 18.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na Boy, na matagal nang kabilang sa listahan ng mga priority high-value individuals kaugnay ng ilegal na droga sa bayan.
Batay sa ulat ng Romblon Police Provincial Office, nabilhan umano ang suspek ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu sa halagang ₱500 ng isang operatiba na nagpanggap na buyer.
Sa ulat, matapos ang transaksyon ay agad siyang inaresto ng mga operatiba. Bukod sa sachet na naging subject ng operasyon, narekober din umano mula sa suspek ang ilan pang sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Sa ngayon, nasa kustodiya na siya ng Odiongan Municipal Police Station habang inihahanda ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kaso.