Patuloy na pinalalakas ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga kampanya laban sa child labor sa kabila ng naitalang pagbaba ng kaso nito sa bansa sa mga nakalipas na taon.
Ayon kay DOLE Assistant Secretary Amuerfina Reyes, layunin ng ahensya na maabot ang zero case ng child labor sa ilalim ng Philippine Development Plan, Labor and Employment Plan, at ng Sustainable Development Goals.
Mula sa mahigit 800,000 na batang manggagawa noong 2022, bumaba ito sa mahigit 500,000 ngayong 2024.
“Isa sa mga tina-target natin ay maging zero ang child laborers pero iyan ay mangyayari kung tayo ay patuloy na magsisikap. Sama-sama tayong nagnanais na matawag ang mga bata na ‘batang malaya’,” ayon kay Reyes.
Batay sa datos ng DOLE, kadalasang nasasangkot ang mga batang manggagawa sa mga industriya ng agrikultura, konstruksiyon, at pagmamanupaktura.
Kasabay ng mga information drive, layunin din ng DOLE na mabigyan ng kabuhayan at pinansyal na tulong ang mga magulang ng mga batang manggagawa upang maiangat ang kanilang pamumuhay at mapigilan ang mga bata sa pagpasok sa mapagsamantalang trabaho. Iniuugnay rin ng ahensya ang mga batang ito sa iba pang mga ahensya tulad ng Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa karagdagang interbensyon.
Sa kamakailang pagdiriwang ng National World Day Against Child Labor (WDACL) na isinagawa sa Palawan, tinipon ang 100 na batang manggagawa at kanilang pamilya upang bigyan ng iba’t ibang serbisyo.
Kasunod nito, isinagawa rin ang information at service caravan upang palawakin ang kaalaman ng mga stakeholder, partikular na sa sektor ng edukasyon, tungkol sa isyu ng child labor.
Ayon kay DOLE MIMAROPA Assistant Regional Director at Officer-in-Charge Nicanor Bon, ang pagpili sa Palawan bilang host ng WDACL ay tugon sa malaking bilang ng mga batang manggagawa na naitala sa MIMAROPA.
“Hangga’t nandoon ang root cause—kahirapan at kawalan ng trabaho—pabalik-balik ang problema. Komplikado ang suliranin natin sa child labor at ito ay nag-uugat sa kahirapan,” ani Bon.
Dagdag pa ni Reyes, mahalagang maghangad din ang mga magulang at mga bata na makaahon sa kanilang kasalukuyang kalagayan at maging mas produktibong mamamayan ng bansa.
“Nais namin na maging kaagapay kayo, mga magulang, para lalong magsikap ang bawat bata na makapag-aral, makapagtapos, at magkaroon ng magandang edukasyon tungo sa mas magandang kinabukasan,” pagtatapos ni Reyes.