Sa pinakahuling halalan sa lalawigan ng Romblon, isang makasaysayan ang naganap—si Trina ang nahalal bilang bagong gobernador, na tinalo ang incumbent na si Otik Riano. Sa kabila ng kanyang tagumpay, maaaring hindi ito ganap na panalo ng kanyang kampo, sapagkat karamihan sa mga nanalong miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ay mula sa alyado ni Riano. Idagdag pa ang nanalong bise-gobernador — Armando “Arming” Gutierrez, na galing din sa kampo ni Riano. Kung hindi magkakaroon ng totoong kooperasyon at paghilom sa bawat kampo at pananatilihin ang partisan, maaari ngang manatili ang tensyon sa pagitan ng bagong ehekutibo at ng lehislatibong sangay ng pamahalaang panlalawigan.
Ang tanong na ngayon ay: susuportahan kaya ng Sangguniang Panlalawigan ang mga programa at adbokasiya ni Gob. Trina? O ito ba ay magiging hadlang sa pagpapatupad ng kanyang mga plano para sa lalawigan? Kung pagbabasehan ang kasaysayan ng pulitika sa Pilipinas, hindi imposible na ang oposisyon ay gumamit ng kapangyarihan upang balewalain o harangin ang mga inisyatiba ng nakaupong gobernador, lalo na kung ito ay mula sa kabilang kampo.
Ngunit dapat nating tandaan: ang pamahalaan, pambansa man o lokal, ay hindi para sa interes ng iilang politiko lamang. Ang layunin nito ay ang maglingkod sa taumbayan. Kung ang mga halal na miyembro ng sanggunian ay pipiliing kontrahin ang mga programa ni Gob. Trina hindi dahil sa kakulangan ng merito kundi dahil lamang sa politika, ang tunay na talo ay ang mga mamamayan ng Romblon.
Ang ganitong sitwasyon ay nangangailangan ng mataas na antas ng political maturity. May tungkulin ang parehong panig—ang gobernador at ang Sangguniang Panlalawigan—na magtulungan para sa ikabubuti ng lalawigan. Hindi kailangang maging magkakampi sa politika para maging magkatuwang sa serbisyo-publiko. Sa halip na pagharang, dapat pairalin ang diskurso at produktibong debate. Kung may mga polisiyang hindi katanggap-tanggap, ito ay dapat tutulan sa makatuwiran at makabansang paraan, hindi dahil lamang sa pulitikang panig-panig. Tamang check and balance lang.
May malaking hamon sa panig ni Gob. Trina. Kailangan niyang patunayan na siya ay isang lider na may kakayahang makipag-dialogo, makinig, at bumuo ng consensus. Ang transparency sa pamamahala, bukas na komunikasyon, at pakikipagtulungan sa Sangguniang Panlalawigan ay susi upang mabawasan ang posibilidad ng banggaan. Sa kabilang banda, kailangang kilalanin ng mga konsehal ang mandato ng bagong gobernador. Ang sambayanan na rin ang humusga at nagluklok kay Trina sa puwesto. Ibig sabihin nito, naroon ang tiwala ng taumbayan na kaya niyang magdala ng pagbabago at kaunlaran sa Romblon.
Ano ngayon ang dapat mangyari? Una, dapat magsagawa ng dialogue o consultative meetings ang magkabilang panig upang ilatag ang kani-kanilang mga plano at alalahanin. Pangalawa, dapat itaguyod ang “check and balance” hindi bilang hadlang kundi bilang paraan upang mapabuti ang mga panukala. Panghuli, dapat manindigan ang mamamayan—ang tunay na boss ng pamahalaan. Kailangang tutukan ng taumbayan ang kilos ng kanilang mga lider upang mapanatili ang pananagutan at integridad sa pamumuno.
Ang halalan ay tapos na, at panahon na ng paglilingkod. Hindi dapat maging sagabal ang pulitika sa tunay na layunin ng pamahalaan: ang pag-unlad ng bawat Romblomanon. Sa halip na banggaan, ang pagkakaisa at malasakit sa kapakanan ng lalawigan ang dapat mamayani. Ang bagong kabanata sa pamumuno ni Gob. Trina ay sana’y maging simbolo ng panibagong simula—hindi ng luma at tradisyonal na pulitika lamang.
































