Isang 40-anyos na lalaki mula sa Barangay Cajimos, Romblon, Romblon ang nasagip ng mga mangingisda matapos mahulog mula sa sinasakyang barko na naglalayag mula Talao-Talao Port sa Lucena City patungong Romblon.
Ayon sa ulat ng Buenavista Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), nakainom umano ang lalaki at natulog sa gilid ng barko habang nasa biyahe. Nang magising siya ay nasa gitna na siya ng dagat. Tatlong oras umano siyang palutang-lutang sa karagatan bago siya nakita at nasagip ng mga mangingisda sakay ng isang bangka.
Dinala agad ang lalaki sa Barangay Daykitin, Buenavista, kung saan siya sinuri ng Rural Health Unit upang matiyak ang kanyang kalagayan. Agad ding ipinagbigay-alam ang insidente sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, pansamantalang nananatili ang lalaki sa opisina ng Buenavista MDRRMO habang inaayos ang kanyang pagbabalik sa Romblon sa tulong ng lokal na pamahalaan at ng kanyang pamilya.



































