Binibigyang-diin ni dating Senador at kandidato sa Senado na si Kiko Pangilinan ang kahalagahan ng kanyang mungkahing free breakfast program o libreng almusal para sa mga estudyante bilang solusyon sa problema ng kakulangan sa pagkatuto at mataas na bilang ng dropout sa mga pampublikong paaralan.
Sa panayam ng lokal na media sa Romblon nitong Miyerkules, Abril 16, ibinahagi ni Pangilinan ang kanyang plano na isulong ang naturang programa mula daycare hanggang Grade 12 sakaling manalo sa midterm elections sa Mayo 2025.
“Mahirap matuto kung gutom. Paano mo maiintindihan ang trigonometry, algebra o kahit basic reading kung walang laman ang tiyan?” ani Pangilinan.
Aniya, epektibo na itong ipinatutupad sa ilang bansa upang suportahan ang pag-unlad ng mga estudyante at mapababa ang bilang ng mga humihinto sa pag-aaral dahil sa gutom.
Upang sabay na matulungan ang mga magsasaka at mangingisda, iminungkahi rin ni Pangilinan na 50% ng badyet para sa libreng almusal ay gamitin sa pagbili ng ani at huli mula sa mga lokal na magsasaka at mangingisda sa paligid ng mga paaralan.
“Iyong ihahain na almusal ay dapat galing sa mga lokal na magsasaka at mangingisda. Halimbawa, sa mga lalawigang may kooperatiba sa agrikultura, doon tayo bibili. Hindi man ito posible sa Metro Manila, pero sa mga karatig probinsya puwede ito,” paliwanag niya.
Sa pamamagitan ng direktang pagbili, bukod sa mas sariwa at masustansyang pagkain, makatitipid din ang mga paaralan at magkakaroon ng tuloy-tuloy na kita ang mga lokal na maggagatas, magbababoy, at mangingisda.
Dagdag pa ni Pangilinan, makababawas ito sa alalahanin ng mga magulang na araw-araw nag-iisip kung anong ipapakain sa kanilang anak bago pumasok sa paaralan.
“Hindi lang ito pagkain. Ito ay suporta sa edukasyon, kalusugan, at kabuhayan,” pagtatapos ni Pangilinan.
Discussion about this post