Noong buwan ng Marso, muling naging sentro ng balita si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos siyang arestuhin kaugnay ng kasong kinakaharap niya sa International Criminal Court (ICC) dahil sa umano’y “crimes against humanity” na may kinalaman sa madugong kampanya kontra droga noong kanyang panunungkulan. Ang balitang ito ay nagbunsod ng malawakang pagkilos mula sa kanyang mga tagasuporta hindi lamang sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang panig ng mundo.
Mula Europa, Gitnang Silangan, hanggang sa iba’t ibang bansa sa Asia, samu’t saring kilos-protesta ang isinagawa bilang pagpapakita ng suporta kay Duterte. Mula sa malalaking lungsod hanggang sa maliliit na komunidad ng mga Pilipino sa abroad, nagtipon-tipon ang kanyang mga tagasunod upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa isinasampang kaso at upang manindigan sa kanilang paniniwala na si Duterte ay isang bayani at hindi dapat litisin ng ICC, bagkus pauwiin ito.
Ngunit sa kabila ng dami ng mga nagpapakita ng suporta, maraming netizen at mamamayan ang nagtatanong: bakit tila bulag ang iba sa katotohanan? Bakit handa silang isugal ang sarili nilang kapakanan at kabuhayan alang-alang sa isang pulitiko? Ang mas masaklap pa, lumabas sa mga balita na ilang grupo ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang inaresto ng mga awtoridad sa ibang bansa matapos masangkot sa mga di-awtorisadong pampublikong pagtitipon. May mga na-detine, at may posibilidad pa nga raw na ma-deport.
Ang ganitong sitwasyon ay mariing pinapaalalahanan ng ating mga Embahada sa ibayong dagat—ipinapayo na iwasan ang mga aktibidad na maaaring labagin ang batas ng host country. Ngunit imbes na pakinggan, binabatikos pa ito ng ilan, partikular ng mga tinatawag na “DDS” o Diehard Duterte Supporters, na animo’y mas pinipiling ipaglaban ang kanilang panig kahit kapalit ang kanilang kinabukasan.
Mahalagang itanong: hanggang saan ang hangganan ng tama at mali sa pagsuporta sa isang politiko? Tila ba nawawala na ang kakayahang kilalanin ang kaibahan ng lohikal na paninindigan at bulag na katapatan. May ilan na nagsasabing ito ay senyales ng pagiging panatiko—na kahit pa may malinaw na panganib, ay handang sumunod at magbuwis ng personal na kapakanan para lamang sa idolo.
Walang masama sa pagsuporta sa isang pulitiko, lalo na kung batid mong siya’y may malinaw na layunin para sa bayan. Ngunit kung ang suporta ay nagiging sanhi ng sariling kapahamakan, at higit pa ay nagdudulot ng kaguluhan at paglabag sa batas, ito ay hindi na isang makatuwirang pagkilos—ito ay nagiging kulto ng personalidad.
Sa huli, ang pagmamahal sa isang lider ay dapat laging may kasamang pag-iisip, respeto sa batas, at malasakit sa sarili. Ang tunay na bayanihan ay hindi bulag na pagsunod, kundi matalinong paninindigan para sa ikabubuti ng nakararami.