Ipinahayag ni Col. Boni Bosita ang kanyang hangaring resolbahin ang mga suliranin sa agrikultura ng bansa upang matiyak ang food security para sa bawat pamilyang Pilipino.
Sa kanyang pagbisita sa Alcantara, Romblon kamakailan, binigyang-diin ni Bosita na may kakulangan sa implementasyon ng mga programa ng Department of Agriculture (DA) sa mga lokal na pamahalaan.
Ayon sa kanya, hanggang regional level lamang ang sakop ng DA, habang ang Provincial at Municipal Agriculture Offices ay nasa ilalim ng pamamahala ng gobernador at alkalde.
“Hindi buo ang istruktura ng Department of Agriculture, kaya hindi maibaba nang maayos ang mga programa para sa mga magsasaka,” paliwanag ni Bosita.
Dahil sa ganitong sistema, aniya, bumababa ang produksyon ng sektor ng agrikultura, dahilan ng pagtaas ng presyo ng bilihin sa palengke na nagiging pasanin para sa maliliit na manggagawa.
Naniniwala si Bosita na kailangang bigyan ng agarang solusyon ang problemang ito dahil may domino effect ito sa ekonomiya ng bansa.