Nais tulungan ni dating Senador Panfilo “Ping” Lacson ang pagpapalawak ng runway ng Romblon Airport upang mas maraming airline ang makapasok sa lalawigan at mapalakas ang turismo.
Sa kanyang pagbisita sa Romblon noong Marso 26, binigyang-diin ni Lacson ang malaking potensyal ng lalawigan sa turismo na nahahadlangan lamang ng limitadong biyahe ng eroplano mula Maynila.
Ayon sa kanya, kasalukuyan nang bumibili ng lupa ang pamahalaang panlalawigan para sa runway extension, at nais niyang matulungan itong mapondohan upang magkaroon ng mas maraming flights.
“’Yun ang mag-a-attract ng turista—ang convenience. Kasi kung turista ako, mag-aaksaya ako ng walong oras sa biyahe, parang magdadalawang-isip ka,” ani Lacson.
Sinabi rin ng dating senador na isusulong niya ang proyekto at makikipagtulungan kay Congressman Eleandro Jesus Madrona upang maisama ito sa pambansang pondo.
Naniniwala si Lacson na ang pagdami ng flights papasok sa Romblon ay makatutulong sa pagsulong ng ekonomiya ng lalawigan sa pamamagitan ng pagpapalakas ng turismo at pagpapadali ng pagpasok ng mga negosyo.