Isa sa mga pangunahing programang nais tutukan ni Odiongan Vice Mayor Diven Dimaala, sakaling mahalal bilang alkalde sa darating na halalan, ay ang pagpapabuti ng serbisyong medikal sa buong bayan.
Sa isang panayam sa kanilang kick-off campaign sa Odiongan Public Market noong Marso 28, sinabi ni Dimaala na prayoridad niya ang kalusugan ng mga residente upang matiyak na may sapat at dekalidad na serbisyong medikal para sa lahat.
Bilang tugon sa pangangailangan sa mas maayos na pasilidad pangkalusugan, isinusulong niya ang pagtatayo ng Odiongan Community Hospital, isang ospital na popondohan ng lokal na pamahalaan. Layunin nitong magbigay ng abot-kayang serbisyong medikal sa mga residente, lalo na sa mga nangangailangan ng agarang atensyon.
Sa mga naunang panayam kay Dimaala, sinabi nitong bagamat may Romblon Provincial Hospital sa bayan, aminado siyang hindi ito sapat upang matugunan ang lumalaking pangangailangan ng populasyon.
Dagdag pa niya, kung siya ay mahalal bilang alkalde, maglalagay din siya ng mga programang magbibigay ng libreng konsultasyon at gamot para sa mga mahihirap, pati na rin ang pagpapalakas ng barangay health centers upang mas madaling maabot ng mga residente ang serbisyong medikal.
Bukod sa sektor ng kalusugan, binigyang-diin din ni Dimaala ang kahalagahan ng mas pagpapaunlad sa ekonomiya ng bayan at ang pagkakaroon ng mas maraming imprastraktura para mas lumiwanag ang bayan.