Pormal nang ipinagkaloob ng Department of Health MIMAROPA sa pamamagitan ng pamahalaang panlalawigan ng Romblon ang aabot sa P7.5 million na tulong pinansyal ng ahensya sa iba’t ibang paaralan sa Romblon na may proyekto sa ilalim ng Healthy Learning Institution (HLI) program.
Ang nasabing pondo ay ibinigay para sa agarang pagpapatupad ng mga programa ng ilang piling paaralan sa lalawigan.
Layunin ng HLI program na tiyakin ang kalusugan ng mga mag-aaral lalo sa mga tinatawag na “Last Mile” na paaralan sa pamamagitan ng maayos at epektibong pagpapatupad ng HLI Frameworks.
Ang Provincial Government of Romblon, sa pangunguna ni Gobernador Jose “Otik” Riano, ay nagbigay rin ng 100 libong piso bilang suporta sa mga programa sa sports at athletics ng Department of Education (DepEd). Ito ay bilang pagkilala sa kahalagahan ng pisikal na aktibidad sa pangkalahatang kalusugan at kagalingan ng mga mag-aaral.
Ayon kay Dr. Renato Menrige Jr. ng Provincial Health Office, ang nasabing inisyatibo ay patunay ng matibay na suporta ng gobyerno lalo sa Lalawigan ng Romblon sa pangangalaga ng kalusugan at edukasyon, na magkasabay na nagpapalakas sa kabuuang kapakanan ng mga kabataang Romblomanon.