Muling ipinamalas ng mga artist mula sa Romblon ang kanilang kahusayan sa sining sa ginanap na Fiesta Haraya Likhai 2024 noong Disyembre 2-4, 2024, sa Marinduque State University.
Nag-uwi ng parangal ang delegasyon ng Romblon mula sa iba’t ibang kompetisyon tulad ng painting at sculpture, kasama na ang iba pang espesyal na pagkilala. Ang mga tagumpay na ito ay patunay sa masigasig na talento, dedikasyon, at malikhaing kontribusyon ng mga Romblomanon sa sining.
Maliban sa mga paligsahan, aktibong nakibahagi ang mga kalahok mula sa Romblon sa serye ng mga workshop na naglalayong palalimin ang kanilang kaalaman at kakayahan. Kabilang sa mga ito ang pag-aaral ng tradisyunal na musika tulad ng Kalutang, ang malikhaing pag-ukit sa larangan ng iskultura, at ang kontemporaryong sayaw gaya ng hip-hop. Lumahok din ang mga kalahok sa sesyon para sa potograpiya, digital marketing at creative design, at pagpaplano ng mga kultural na aktibidad. Bukod dito, itinuro rin ang mas advanced na teknik sa realism painting, na nagbigay ng bagong perspektiba at inspirasyon sa mga kalahok.
Pinangunahan ng Department of Trade and Industry (DTI) MIMAROPA ang Fiesta Haraya, na nagtipon ng mga natatanging malikhaing talento mula sa buong rehiyon. Ang okasyon ay nagbigay ng oportunidad sa mga artist na ipakita ang kanilang mga obra, magbahagi ng kanilang karanasan, at palaganapin ang mayamang pamanang sining at kultura ng MIMAROPA.