Inilabas ng Philippine National Police-Civil Security Group (PNP-CSG) ang opisyal na listahan ng mga paputok at pyrotechnic devices na mahigpit na ipinagbabawal sa pagsalubong ng Bagong Taon, batay sa Executive Order No. 28 at Republic Act 7183.
Kabilang sa mga bawal na paputok ay ang Watusi, Piccolo, Poppop, Five Star (Big), Pla-Pla, Lolo Thunder, Giant Bawang, Giant Whistle Bomb, Atomic Bomb, at Atomic Triangle. Gayundin ang mga malalakas na paputok tulad ng Large-size Judas Belt, Goodbye Delima, Hello Columbia, Goodbye Napoles, Super Yolanda, Mother Rockets, Kwiton, Super Lolo, at Goodbye Bading. Kasama rin dito ang Goodbye Philippines, Bin Laden, Coke-in-Can, Pillbox, Kabasi, Special, Kingkong, Tuna, at Goodbye Chismosa.
Ayon sa PNP-CSG, ipinagbabawal ang mga paputok na may explosive content na higit sa 0.2 grams o lagpas sa 1/3 teaspoon ng pulbura.
Pinaalalahanan din ang publiko na bumili lamang ng paputok at pailaw mula sa mga sertipikadong retailer upang masiguro ang kaligtasan sa pagdiriwang. Layunin ng PNP na tiyakin ang ligtas at masayang pagdiriwang ng Bagong Taon at mabawasan ang mga insidente ng sunog at pinsala dulot ng ilegal at mapanganib na paputok.