Aabot sa 212,364 ang mga rehistradong botante sa lalawigan ng Romblon na maaaring makaboto sa darating na National and Local Elections sa Mayo 2025.
Ito ang ibinahagi ni Commission on Elections (COMELEC) Calapan City Election Officer Atty. Suminigay P. Mirindato sa ginanap na Kapihan sa Bagong Pilipinas sa Calapan City, Oriental Mindoro ngayong November 5.
Aniya, Romblon ang pangalawa sa may pinakamababang bilang ng mga rehistradong botante sa rehiyon para sa halalang ito.
Ibinahagi din ni Mirindato na lima sa mga bayan sa Romblon ay walang makakalaban ang mga tatakbong alkalde sa election sa susunod na taon. Ito ang mga bayan ng Banton, Corcuera, Romblon, San Agustin at Santa Maria. Wala ring makakalaban ang mga tumatakbong bise alkalde ng mga bayan ng Banton, Looc, Romblon, San Andres at Santa Maria.
Ayon pa sa ulat ng COMELEC, may aabot sa 411 na Certificate of Candidacy ang naihain noong October 1-8 COC filing.