Nasa final inspection phase na ang National Bureau of Investigation (NBI) para sa bagong satellite office na itatayo sa bayan ng San Agustin, Romblon. Ito ay ibinahagi ni NBI MIMAROPA Regional Director Gelacio D. Bongngat sa ginanap na Kapihan sa Bagong Pilipinas noong October 1.
Ayon kay Bongngat, inaasahang mabubuksan ang opisina ngayong buwan sa tulong ng lokal na pamahalaan ng San Agustin at ng mga opisyal ng lalawigan ng Romblon. Layunin ng bagong satellite office na mas mapalapit ang serbisyo ng NBI sa mga Romblomanon.
“Matagal nang inaasam ng mga kababayan natin sa Romblon yung serbisyo ng NBI. Doon na sila kukuha ng NBI Clearance, at maaari na rin silang maghain ng reklamo,” ani Bongngat.
Malaking ginhawa ang hatid ng bagong opisina lalo na para sa mga first-time job seekers, na dati-rati’y kinakailangang bumiyahe patungong Mindoro, Lucena, o Batangas upang makakuha ng NBI Clearance.
Dagdag pa ni Bongngat, alam ni NBI Director Jaime Santiago ang sitwasyon ng mga taga-MIMAROPA, kaya’t sinisikap nilang mas mapalawak ang serbisyo ng NBI sa rehiyon.
Bukod sa Romblon, plano ring magbukas ng satellite offices sa Occidental Mindoro at Marinduque bago matapos ang taon, upang mas madali ang pag-access ng serbisyo para sa mga residente ng mga probinsyang ito.