Pormal nang idineklara ni Aaron James Madrona, anak ng mga dating Mayor ng San Agustin na sina Emmanuel Madrona at Lourdes Madrona, ang kanyang pagtakbo bilang alkalde ng nasabing bayan.
Ito ay matapos niyang maghain ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) ngayong October 7, 2024, kasama ang kanyang buong line-up sa pangunguna ni reelectionist Vice Mayor Norman Fatalla sa tanggapan ng COMELEC San Agustin para sa darating na eleksyon sa Mayo 2025.
Isa sa mga pangunahing layunin niya bilang kandidato ay ipakilala ang mas makabagong uri ng pamumuno, na hinihikayat ang mga kabataan na maging aktibong bahagi ng pamahalaan.
Si Madrona ay graduate ng Legal Management, PSI Leadership, at kasalukuyang Public Management aspirant sa Ateneo School of Government.
Ayon kay Aaron, isa sa kanyang mga plataporma ay ang “servant leadership” at ang pagbibigay ng mas malaking papel sa mga mamamayan sa proseso ng pamamahala. Naniniwala siya na panahon na para sa isang mas makabago at inklusibong politika sa San Agustin.
“Isa ho sa mga nais kong plataporma ay servant leadership at people’s participation in governance reform,” pahayag ni Aaron, na nagpapaabot ng adhikain na baguhin ang tradisyunal na politika at bigyan ng boses ang mas nakababatang henerasyon sa pamamahala ng bayan.