Sayang at hindi nagamit sa tamang paraan ang natanggap na pera ng ilang mga magulang mula sa Tulong Eskwela Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kamakailan sa Odiongan at Calatrava.
Sa kasong ito kasi, ang P3,000 na ayuda para sa ilang estudyante ay hindi na umabot sa kanila kundi nanatili nalang sa kanilang mga magulang.
Batay kasi programa, ang Tulong Eskwela Program ay naglalayon dapat na makatulong ang pamahalaan sa gastusin ng mga magulang sa pagpapaaral ng kanilang mga anak.
Ayon sa ating mga bubwit, imbes na gamitin para sa pangangailangan ng pag-aaral at pambili ng gamit sa paaralan, ang ilan sa mga magulang ay ginamit ang ayudang ito para magbayad ng utang. Nakakalungkot isipin na ang perang dapat sana’y makakatulong sa mga estudyante upang magkaroon ng mas magandang kinabukasan ay napupunta sa mga bagay na hindi nauugnay sa kanilang edukasyon.
Isa sa mga halimbawa ay si “Selena”, estudyante ng Odiongan National High School. Kwento niya, P500 lamang mula sa P3,000 ang napunta sa kanya mula sa kanyang ina, at ito pa ang kanyang gagamitin para sa buong linggo. Ang halaga na ito ay inaasahang magsilbing pamasahe, pagkain para sa agahan at tanghalian, at pambili ng mga kailangan sa eskwelahan. Malinaw na hindi ito sasapat sa mga gastusin ng isang estudyante. Kung ganito ang sitwasyon, paano na ang layunin ng programang ito na magbigay ng suporta sa edukasyon?
Dagdag pa rito, may mga ulat na ilang estudyante ay ginamit para makakain sa fastfood chain kasama ang kanilang pamilya pagkatapos makuha ang ayuda. Bagama’t walang masama sa pagdiriwang ng mga personal na bagay, hindi ito ang tamang paggamit ng pondo mula sa pamahalaan, lalo na kung ito ay nakalaan para sa edukasyon ng mga kabataan.
Bagama’t marami paring mga estudyante na higit na mas nakinabang sa programa. Kailangan parin ng mas malinaw na guidelines at mas epektibong monitoring system para matiyak na ang bawat pisong ibinibigay sa ilalim ng Tulong Eskwela Program ay tunay na ginagamit para sa kapakanan ng mga estudyante.
Sa huli, ito ay hindi lamang usapin ng pagbibigay ng pera, kundi ng pagbibigay ng pag-asa at oportunidad sa mga kabataan na makapag-aral at magkaroon ng mas maliwanag na kinabukasan. Kung patuloy ang ganitong sistema, mapapaisip tayo: para kanino ba talaga ang mga programang ito?
Sa kabilang banda ay naabot parin ng pamahalaan ang hangarin ng programa dahil marami paring mga magulang ang ginamit sa tama ang natanggap na pera mula sa programa.