Hinihimok ng Santa Fe Municipal Police Station (MPS) ang mga motorista na siguraduhing may lisensya bago magmaneho ng sasakyan.
Ang panawagan na ito ay kasunod ng kanilang ulat sa PIA Barangay Forum sa Barangay Pandan nitong September 5, kung saan mahigit isang libong motorista ang natikitan sa unang semester ng kasalukuyang taon dahil sa iba’t ibang paglabag sa batas-trapiko, kabilang na ang pagmamaneho nang walang lisensya.
Ayon kay Santa Fe MPS Deputy Chief of Police PEMS Caper Gregorio, may ordinansa sa Santa Fe na nagtatakda ng multang P300 para sa mga mahuhuling nagmamaneho nang walang lisensya. Layunin nitong mabawasan ang mga aksidente sa kalsadang kinasasangkutan ng mga hindi lisensyadong motorista.
Bagamat aminado ang pulisya na maaaring maging magastos para sa ilan ang pagkuha ng lisensya, ang lokal na pamahalaan ng Santa Fe ay nakikipag-ugnayan sa Land Transportation Office upang magdaos ng libreng Theoretical Driving Course (TDC) para sa mga residente.
Dagdag pa rito, ang mga motorista na dumaan sa TDC at kumuha ng student permit ay hindi muna huhulihin bilang konsiderasyon habang nag-aayos ng kanilang mga lisensya sa mga opisina ng LTO sa Odiongan o San Agustin.
Samantala, iniulat din ni Gregorio na nananatiling drug-cleared municipality ang bayan ng Santa Fe, at walang naitatalang bagong operasyon kontra iligal na droga sa lugar.
Siniguro ni Gregorio na nananatiling mababa ang crime rate ng bayan, patunay umano na ang mahigpit na pagpapatupad ng batas at ang pakikiisa ng komunidad ay nagiging epektibong pananggalang laban sa kriminalidad at droga.
Dagdag pa niya, patuloy silang magsasagawa ng mga programa at aktibidad na magpapanatili sa kaligtasan at kapayapaan ng kanilang bayan.
Discussion about this post