Hinihikayat ng Philippine Coconut Authority (PCA) ang mga coconut farmers na magparehistro sa National Coconut Farmers Registry System (NCFRS) upang makatanggap ng tulong mula sa pamahalaan na nakalaan para sa kanila.
Ito ang ibinahagi ni Hazel Noche, Agriculturist II ng PCA Romblon, sa ginanap na PIA Barangay Forum sa Barangay Poblacion, Ferrol noong Miyerkules, Setyembre 25.
Ayon kay Noche, ang mga rehistradong magsasaka ay maaaring makatanggap ng tulong tulad ng mga seedlings ng niyog, kung saan 143 seedlings ang ibinibigay sa kada isang ektaryang lupain ng magsasaka.
Bukod dito, maaari ring makakuha ng fertilizers at technical assistance mula sa ahensya ang mga rehistradong magsasaka alinsunod sa Republic Act 11524 o ang Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act, na kilala rin bilang coco levy fund, at sa Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP).
Ang pagrehistro sa NCFRS ay nagsisilbing tiket ng mga magsasaka para maabot ang iba’t ibang programa ng gobyerno na nakapaloob sa CFIDP.
Dagdag pa ni Noche, bukas ang mga opisina ng Municipal Agriculture Office sa bawat bayan sa Romblon para tumanggap ng aplikasyon sa National Coconut Farmers Registry System.