Nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) – MIMAROPA ang halos 5 kilo ng shabu sa isang buy-bust operation sa Barangay Sagana, Bongabong, Oriental Mindoro noong Setyembre 16.
Ang operasyon, na isinagawa laban sa isang mag-asawang suspek na sangkot umano sa pagtutulak ng droga, ay pinangunahan ng PDEA MIMAROPA kasama ang National Bureau of Investigation (NBI) MIMAROPA at Bongabong Municipal Police Station.
Ayon kay PDEA MIMAROPA Director Jet Cariño, ang halaga ng mga nasabat na shabu ay tinatayang aabot sa P34 milyon. Ipinahayag din ni Cariño na ito ang pinakamalaking dami ng shabu na kanilang nasabat sa rehiyon, at malaki umano ang epekto nito sa pagtigil ng supply chain ng iligal na droga sa MIMAROPA at mga kalapit na rehiyon.
Ang mag-asawang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.