Inilunsad nitong September 30 ng lokal na pamahalaan ng Concepcion, Romblon ang Sibale Kabuhayan Program o SIKAP, isang programa na naglalayong magbigay ng tulong pangkabuhayan sa mga mangingisda at magsasaka ng isla ng Sibale.
Layunin ng SIKAP na mapaunlad ang Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) sa Sibale upang makatulong sa pag-angat ng kabuhayan ng mga residente.
Sa ilalim ng programang ito, magkakaroon ng iba’t ibang pagsasanay sa production, product development, packaging, marketing, at business management na magbibigay ng mga kinakailangang kasanayan para sa mga nagnanais na magsimula o palaguin ang kanilang mga negosyo.
Bukod sa pagsasanay, ang lokal na pamahalaan ng Concepcion ay magbibigay ng financial grants para magamit ng mga maliliit na negosyante sa pagpapatayo o pagpapalawak ng kanilang mga negosyo.
Ang mga grant na ito ay magsisilbing panimulang pondo para sa mga nangangailangan, at inaasahang magbibigay ng oportunidad sa mga mamamayan na paunlarin ang kanilang kabuhayan. Target din ng SIKAP na palakasin ang kapasidad ng mga negosyante upang mas lumago at maging matagumpay ang kanilang mga inisyatiba sa negosyo.
Bukod pa dito, naglalayon ang lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Concepcion Mayor Nicon Fameronag na gawing mas self-sustaining ang mga residente ng Sibale sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas maraming oportunidad para sa paglago ng kanilang mga produkto, lalo na sa sektor ng agrikultura at pangisdaan, na pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga taga-Sibale.