Matindi ang kalakaran ng ilang barangay official sa Romblon pagdating sa pamamahagi ng mga ayuda. Halimbawa nalang sa ilalim ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development na inaasahang ipamamahagi sa susunod na mga araw.
Ayon sa ating mga nakausap na source, may ilang barangay di umano na tila mas pinaburan ang kanilang mga kamag-anak na ilagay sa priority na mabigyan ng ayuda sa ilalim ng AKAP kumpara sa totoong mga naghihirap na magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng El Niño at Inflation.
Kwento sa atin ng ating source, sa 20 na slots na binigay sa kanila ng pamahalaang bayan para sa AKAP, kalahati nito ay napunta lamang sa mga kamag-anak ng mga barangay official. Ang ilang lumalapit sa barangay para maisama sa AKAP ay hindi mapagbigyan dahil puno na umano ang slot ng mga kamag-anak.
Kung totoo man ito, ang ganitong sistema ay malinaw na anyo ng ‘nepotismo’ na tila nagiging kultura na sa ilang barangay. Sa halip na makatulong sa mga tunay na nangangailangan, nagiging daan pa ito para sa higit na kahirapan ng mga maralita. Ang pamamayagpag ng ganitong kalakaran ay tila pagtalikod sa tunay na diwa ng serbisyo publiko.
Dapat ay magsagawa ng masusing imbestigasyon ang mga kinauukulang ahensya tulad ng DSWD upang matukoy ang mga sangkot na opisyal at mapanagot sila sa kanilang mga maling gawain.
Hindi dapat pinapalampas ang ganitong uri ng abuso sa kapangyarihan. Bukod pa rito, kinakailangan din ng mas mahigpit na mga patakaran sa pamamahagi ng ayuda upang matiyak na ang pondo ay napupunta sa mga tunay na nangangailangan.
Discussion about this post