Para sa ika-17 sunod na taon, nakuha ng NCR (National Capital Region) ang overall championship sa katatapos lamang na Palarong Pambansa 2024 na ginanap sa Cebu City noong Hulyo 9 – 16, 2024.
Ang NCR ay humakot ng 238 medals kung saan 98 ang gold, 66 ang silver, at 74 ang bronze. Ilan sa mga event na nakarami ng ginto ang NCR ay sa swimming sa katauhan nina Sophia Garra at Alessandra Therese Martin na may tig-limang gold medals, nariyan din sina Elaiza Yulo at Maxine Amira Bondoc para sa gymnastics na may tig-limang gold medals.
Nasa ikalawang puwesto naman ang Region 4-A na binubuo ng ilan sa mga probinsya sa Southern Tagalog katulad ng Batangas, Laguna, Cavite, Rizal at Quezon o mas kilala sa tawag na Calabarzon. Humakot sila ng 161 medals na 57 gold, 51 silver, at 53 bronze. Ilan sa mga bumuhat at humakot ng mga gintong medalya para sa Calabarzon ay sina swimmers TJ Amaro na may 7 gold at Jasmine Mojdeh na may 5.
Nakuha naman ng Western Visayas Region o Region 6 ang ikatlong puwesto. Ang Western Visayas ay binubuo ng mga probinsya tulad ng Iloilo, Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, at Negros Occidental. Nakakuha sila ng 138 medals na 56 ang gold, 41 ang silver, at 41 ang bronze.
Nasa ika-apat na puwesto ang Region 11 o Davao Region na binubuo ng mga probinsya ng Davao de Oro, Davao del Norte, Davao del Sur, Davao Oriental, at Davao Occidental. Humakot sila ng 92 medals kung saan 32 ang gold, 25 ang silver, at 35 ang bronze.
Nasa ikalimang puwesto naman ang Region 7 o Central Visayas na binubuo ng mga probinsya ng Bohol at ang host city na Cebu. Sila ay nakakuha ng 110 medals: 29 gold, 42 silver, at 39 bronze.
Samantala, ang Mimaropa Region o Region 4-B, kung saan kabilang ang probinsya ng Romblon kasama ang Mindoro, Marinduque, at Palawan, ay tumapos lamang sa ika-16 na puwesto mula sa 19 regions na kalahok. Ang Mimaropa Region ay nakakuha lamang ng 2 gold, 6 silver, at 9 bronze para sa kabuuang 17 medals.
Masasabing hindi naging maganda ang showing ng Mimaropa Team sa natapos na palaro, subalit marapat pa rin nating bigyan ng pagkilala, pagpupugay, at pagpapasalamat ang mga atleta at coaches na nagrepresenta sa ating probinsya ng Romblon. Ilan sa mga ito ay sina:
- Coach Annietess Baldivia at Assistant Coach Andrew Reyes ng Volleyball Girls Secondary kasama ang mga players mula sa Magdiwang National Highschool na sina Angel Robea, Hannah Valerie Rivas, Nica Mhel Valencia, Richelle Antonette Riano, Rhianne Roshelle Cabalic, Angel Riano, Sandra Maezle Mutia, Jonalyn Loyola, Stephanie Patiño, at Marianne Ragot.
- Volleyball boys mula Odiongan North Central Elementary School na pinangungunahan ng kanilang coach na si Samuel Dalisay kasama ang mga players na sina Yuki Yuan Valencia, Chris Allen Malvar, Franz Daniel Francisco, Jake Angelo Fajarito, Prince Galo Mariñas, Zyrele Forcadas, Jelo Forcadas, James Lourence Fegurasin, Austin Job Suyat, Kyle Russel De Juan, Ron Javan Relos, at Mark Jayson Dalisay.
- Sa athletics ay nariyan sina Jamela Villaresis at Maureen De Guzman na parehas na nagmula sa Agojo Integrated School Looc Romblon sa 100m hurdle at high jump event, ayon sa pagkakasunod. Kasama rin si Carl Aron Pepino mula sa Bunsuran Elementary School sa Odiongan Romblon sa long jump event at sa 100m at 4×100 relay. Ang kanilang coach ay si Jason Madrigal at tumayong assistant coach naman si Aaron Raet Yap mula Cajidiocan Central Elementary School Cajidiocan Romblon.
- Alexis Rico ng Cajidiocan National High School sa Cajidiocan Romblon para sa long jump event na pinangungunahan ni Coach Fhim Illustricimo.
- Peter Cliffe S. Tumbagahon para sa chess mula sa Sta. Fe National High School sa Sta Fe Romblon.
Hindi man nakapag-uwi ng medalya, ang lahat ng napasama sa Palaro ay maituturing nang panalo at isa sa pinakamahusay na manlalaro sa buong Pilipinas. Bago sila makaabot sa Palarong Pambansa, marami pa silang dinaanang laban at lahat iyon ay napagwagian nila kaya sila nakaabot sa Palarong Pambansa, ang maituturing na pinaka-mataas na level in terms of school competition. Kaya, isang taos-pusong pasasalamat at palakpakan para sa inyong lahat.
Samantala, para sa kukumpleto ng top 10 finishes sa katatapos na Palarong Pambansa 2024, nakuha ng Region 3 o Central Luzon ang ika-6 na puwesto. No. 7 naman ang Region 8 o Eastern Visayas. No. 8 ang Region 12 o Soccsksargen. No. 9 ang Region 10 o Northern Mindanao, at No. 10 ang Region 5 o Bicol Region.
Ang susunod na Palarong Pambansa 2025 ay gaganapin naman sa Ilocos Norte, ayon sa kumpirmasyon ng ilang matataas na lider ng probinsya.