Nananatiling pinakamalaki sa buong Pilipinas ang natural forest cover o mga kagubatang hindi pa nakakalbo at nasisira sa rehiyon ng MIMAROPA.
Sa Kapihan sa Bagong Pilipinas na isinagawa sa Oriental Mindoro, Hulyo 16, ipinahayag ni Department of Environment and Natural Resources (DENR)-MIMAROPA Regional Executive Director Felix S. Mirasol, Jr. na nasa 959,003 ektarya pa ang kabuuang natural forest cover sa rehiyon.
“MIMAROPA region holds the largest remaining natural forest contributing 13.27 percent of the country’s natural forest cover. Kaya gayon na lamang ang aking pasasalamat sa aking mga kasama sa ahensya sa rehiyon na ito,” wika ni Mirasol.
Naitala ang malaking bahagdan ng forest cover sa probinsya ng Palawan na mayroong sukat na 696,418 ektarya, sinundan ng lalawigan ng Occidental Mindoro na may 124,462 ektarya, Oriental Mindoro na may 99,954 ektarya, Romblon na may 24,360 ektarya at Marinduque na may 13,809 ektarya.
Base sa 2023 Philippine Forests Report ng DENR-Forest Management Bureau, as of 2020 ay tinatayang nasa 7,226,394 ektarya ang forest cover sa buong bansa na binubuo ng closed forest, open forest at mangrove forest.
Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ay aktibong ipinatutupad ang Executive Order No. 193 o ang Enhanced National Greening Program (ENGP), kung saan ay nilalayon ng pamahalaan na i-rehabilitate at payabungin hanggang taong 2028 ang mga natitirang hindi produktibo, denuded at degraded na mga kagubatan sa bansa. (RAMJR/PIA MIMAROPA-Marinduque)