Hindi na matutuloy ang nakatakda sanang unification bout sa pagitan ng mga boxing champion sa Lightweight Division na sina Vasiliy “Loma” Lomachenko, ang IBF Lightweight Champion, at Gervonta “Tank” Davis, ang WBA Lightweight Champion.
Ayon sa mga reports, matagal nang nasa negosasyon ang magkabilang panig—ang Premiere Boxing Champions (PBC) para kay Tank Davis, at ang Top Rank para naman kay Loma. Kunting detalye na lamang ang pinag-uusapan kung saan ang nasabing unification bout ay nakatakda na sana sa Nobyembre sa Las Vegas. Ngunit hindi na ito matutuloy dahil biglang nagdesisyon si Lomachenko na umatras sa laban at nagsabing ipapahinga na lamang niya ang buong 2024 at nagpasyang sa 2025 na ulit lumaban para makasama ng matagal ang kanyang pamilya.
Si Vasiliy Lomachenko, 36 taong gulang, ay may record na 18 wins, 3 losses, at 12 KO’s. Bago naging pro, itinanghal siyang 2-time Olympic Gold medallist nang irepresenta niya ang kanyang bansang Ukraine noong 2008 Olympics sa Featherweight Division sa Beijing at 2012 Olympics sa London sa Lightweight Division. Dati na rin siyang naging kampeon sa Featherweight at sa Junior Lightweight sa pro ranks.
Huling lumaban si Loma laban kay George Kambosos ng Australia sa mismong teritoryo nito sa Perth, Australia para sa noon ay vacant IBF Lightweight Title noong Mayo 2024 kung saan napagwagian niya ito via TKO. Ngunit bago ang laban kay Kambosos, nilabanan niya muna si Devin Haney para sa WBA, WBC, IBF, WBO, at The Ring Lightweight Title noong Mayo 2023 ngunit siya ay natalo.
Samantala, dahil sa mga development na ito, naghahanap na ngayon ng bagong makakalaban ang kasalukuyang WBA Lightweight Champion na si Gervonta “Tank” Davis. Ilan sa mga tinitingnang posibleng makakalaban ni Davis ay sina former champion Isaac Cruz ng Mexico para sa isang posibleng rematch, No. 1 Lightweight contender William Zepeda ng Mexico, at nasa listahan din si undefeated American WBC Lightweight Champion Shakur Stevenson.
Sa kasalukuyan, hawak ni Davis ang record na 30 wins, 0 loss, at 28 KO’s. Ang 29 taong gulang na si Davis ay isa sa pinaka-mainit at inaabangang fighter pagdating sa boxing ngayon. Bago ang scheduled fight sana nila ni Lomachenko, ang huling tatlong laban ni Davis ay kontra kina Hector Garcia, Ryan Garcia, at Frank Martin na pare-parehas ang naging resulta pabor kay Davis—KO.