Para sa mga mamamayang naninirahan malapit sa mga baybaying dagat, ang mangrove forest o bakawan ay may malaking papel na ginagampanan upang mapanatili ang kanilang kabuhayan lalo’t higit para proteksyunan ang kanilang seguridad mula sa bagyo, baha at iba pang unos na dala ng kalamidad.
Sa ulat ni Department of Environment and Natural Resources (DENR)-MIMAROPA Regional Executive Director Felix S. Mirasol, Jr. sa Kapihan sa Bagong Pilipinas, Hulyo 16, patuloy na yumayabong at gumaganda ang mga mangrove forests sa rehiyon.
“Our region also hosts 69,633 hectares of mangroves, ito yong mga bakaw. Emphasize ko lamang bakit binanggit ko ‘yon? Dahil forest are recharge area of our watershed. Dito nakastand-by iyong mga tubig na kailangan natin that ensures the continued supply of water for domestic and industrial use,” pahayag ni Mirasol.
Sinabi pa niya na ang mga bakawan ay nagbibigay ng tirahan at kanlungan sa malawak na hanay ng mga wildlife at pinoprotektahan nito ang mga baybayin sa pamamagitan ng pagbabawas ng panganib ng pagbaha at pag-guho ng lupa, at nagsisilbi itong lungga ng isda at iba pang yamang dagat.
“Without mangroves juvenile fish will not be able to survive, hence reducing catch of our fisherfolks and the supply of fish in the market,” dagdag ni Mirasol.
Sa datos ng DENR, mayroong 60,462 ektarya ng mangrove forest sa Palawan, sa Marinduque ay may 3,006 ektarya, sa Oriental Mindoro ay may 2,936 at sa Occidental Mindoro ay may 2,045 ektarya habang sa lalawigan ng Romblon ay matatagpuan ang 1,185 ektarya ng bakawan.
Samantala, sa 2023 Philippine Forests Report ng DENR-Forest Management Bureau, as of 2020, ay tinatayang nasa 311,400 ektarya ang kabuuhang mangrove forest sa Pilipinas, kung saan ang 124,562 ektarya ay matatagpuan sa Luzon, 69,282 ektarya ang nasa Visayas at 117,557 ektarya ang makikita sa Mindanao. (RAMJR/PIA MIMAROPA-Marinduque)