22 Pinoy na atleta ang magiging pambato ng Pilipinas sa nalalapit na Paris Olympics mula Hulyo 26 hanggang Agosto 11, 2024. Ang lahat ng mga atletang ito ay dumaan at sumalang sa iba’t ibang qualifying tournaments bago makakuha ng slot patungong Paris Olympics. Ang mga laro na may entry ang Pilipinas ay kinabibilangan ng athletics na may 3, boxing na may 5, fencing 1, golf 2, gymnastics 4, judo 1, rowing 1, swimming 2, at weightlifting na may 3.
Sa larangan ng boxing, si Eumir Marcial ang pinakaunang atletang Pinoy na nag-qualify at nakakuha ng slot sa Olympics matapos makaabot sa finals ng middleweight division noong 2022 Asian Games sa Hangzhou, China. Sumunod naman sina Aira Villegas at Nesty Petecio matapos silang magwagi sa quota bouts round sa kanilang mga division (flyweight at featherweight, ayon sa pagkakasunod) sa 2024 World Olympic Qualification Tournament 1 sa Busto Arsizio, Italy. Nakakuha rin ng slot sina Carlo Paalam at Hergie Bacyadan (men’s featherweight at women’s middleweight division, ayon sa pagkakasunod) sa 2024 World Olympic Qualification Tournament 2 sa Bangkok, Thailand.
Nag-qualify naman si Samantha Catantan sa larangan ng fencing matapos siyang magwagi sa women’s individual foil event sa 2024 Asia and Oceania Zonal Qualifying Tournament sa Dubai, UAE. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na magkakaroon ng fencer ang Pilipinas mula noong 1992 Barcelona Olympics.
Sa golf, meron ding entry ang Pilipinas sa katauhan nina Bianca Pagdanganan at Dottie Ardina. Ang dalawa ay agad na nag-qualify batay sa kanilang rankings sa Olympic Golf Rankings.
Para sa gymnastics, pangungunahan ni Carlos Yulo matapos tanghalin bilang highest ranked eligible athlete sa floor exercise noong 2023 World Artistic Gymnastics Championships sa Antwerp, Belgium. Nakakuha rin ng slot si Aleah Finnegan Cruz matapos mapasama sa Top 14 highest eligible in women’s all-around sa parehong kompetisyon. Kasama rin sina Emma Malabuyo at Levi Ruivivar matapos makakuha ng bronze medal si Malabuyo sa 2024 Asian Women’s Artistic Championships sa Tashkent, Uzbekistan at si Ruivivar ay nag-qualify sa FIG World Cup Series of Gymnastics.
Sa athletics, nariyan sina EJ Obiena para sa men’s pole vault, John Cabang para sa men’s 100m hurdles, at Lauren Hoffman sa women’s 400m hurdles. Si Obiena ay nag-qualify matapos makuha ang qualifying mark sa 2023 BAUHAUS-GALAN na ginanap sa Stockholm, Sweden, samantalang sina Cabang at Hoffman naman ay nag-qualify batay sa kanilang mataas na world rankings.
Sa judo, irerepresenta ni Phil-Japanese Kiyomi Watanabe ang Pilipinas sa women’s 63kg. Si Kiyomi Watanabe ay nag-qualify sa pamamagitan ng kanyang IJF World Rankings.
Sa rowing, nariyan para i-representa ang Pilipinas si Joanie Delgado. Si Delgado ay nag-qualify sa 2024 Asia Oceania Qualification Regatta sa Chungju, South Korea. Si Joanie Delgado ang kauna-unahang female rower na mag-representa ng Pilipinas sa Olympic rowing.
Sa swimming, nariyan sina Harold Hatch para sa men’s 100m butterfly at si Kyla Sanchez para sa 100m freestyle. Sina Hatch at Sanchez ay irerepresenta ang Pilipinas sa Olympics matapos makatanggap ng nomination mula sa FINA na agad namang na-approve.
Sa weightlifting, nariyan sina John Ceniza para sa men’s 61kg, Elreen Ando sa women’s 59kg, at Vanessa Sarno sa women’s 71kg. Ang tatlong weightlifters ay nag-qualify matapos pare-parehas silang makapasok sa top 10 sa kanilang mga division.
Matatandaan na nakakuha ng pinakaunang gintong medalya sa Summer Olympics 2022 ang Pilipinas sa katauhan ni Hidilyn Diaz. Si Diaz din sana ang unang itinalagang flag bearer ng Pilipinas ngunit dahil hindi nag-qualify si Diaz sa Paris Olympics, ang mga boxers na sina Nesty Petecio at Carlo Paalam ang magiging flag bearers.