Tiklo sa mga operatiba ng gobyerno ang isang lalaki sa bayan ng Looc, Romblon na di umano ay nagbenta ng ipinagbabawal na gamot nitong Biyernes ng hapon.
Ang suspek ay kinilala ng Romblon Police Provincial Office na si Mark Anthony Marasigan, 43, residente ng Barangay Poblacion sa nabanggit na bayan.
Ayon sa ulat ng pulisya, nabilhan di umano ng kanilang poseur buyer ang suspek ng isang sachet ng ipinagbabawal na shabu dahilan para ito ay arestuhin ng arresting officer.
Sa isinagawang body search, nakuha din di umano ng mga pulis sa suspek ang isa pang sachet ng pinaghihinalaang shabu. Tinatayang nagkakahalaga ng P2,000 ang nakuha di umanong shabu sa suspek.
Dinala na ito sa Romblon Forensic Unit sa Odiongan para suriin at isalang sa drug-test examination habang ang suspek naman ay nakakulong na sa Looc Municipal Police Station.
Mahaharap ito sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang operasyon ay ikinasa ng Looc Municipal Police Station sa pangunguna ni Major John Angio kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency, Romblon Police Provincial Office, Romblon Maritime Group at ang Romblon Provincial Mobile Force Company.