Kalunos-lunos ang sinapit ng isang senior citizen sa Santa Maria, Romblon matapos itong matupok ng apoy kasama ng kanyang bahay sa Sitio Cum-hot, Brgy. San Isidro, Sta. Maria, Romblon nitong Araw ng Kalayaan.
Ayon sa mga ulat, alas-6:30 ng umaga nang mapansin ng mga kapitbahay ng biktima na nasusunog ang bahay nito. Agad naman nagtulungan ang mga kapitbahay ng matanda para subukang patayin ang apoy habang ang ilan sa kanila ay tumawag ng saklolo sa Barangay, Santa Maria Municipal Police Station at sa Santa Maria Fire Station.
Bandang alas-8 na ng umaga nang ideklara ng Bureau of Fire Protection na fire out na ang sunog.
Nang mapasok nila ang bahay, dito na tumambad sa kanila ang sunog na katawan ng biktimang senior citizen. Kinilala ito ng Municipal Health Office ng Santa Maria maging ng mga kamag-anak nito.
Sa pag-iimbestiga ng mga pulis, hinihinalang sinadyang sunugin ng biktima ang bahay at kanyang sarili epekto ng nararanasan nitong depression dala ng problema di umano sa pamilya.
Kwento ng apo ng biktima, mag-isa umanong nakatira ang matanda sa bahay. Sinubukan na umano nitong sunugin ang kanyang sarili pero naawat lang.
Ayon sa Santa Maria Municipal Police Station, wala silang nakikitang foul play sa insidente.