Aabot sa 24 na mangingisda sa bayan ng Concepcion sa isla ng Sibale ang nakatanggap ng fuel subsidy kamakailan mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Mimaropa sa tulong ng Municipal Agriculture Office.
Ayon kay OIC-Provincial Fishery Officer Sheryll Montesa, P3,000 ang laman ng fuel subsidy card na natanggap ng mga mangingisdang nakatala sa registry system ng ahensya.
Si Montesa kasama si BFAR Mimaropa Regional Director Emmanuel Asis at Concepcion Mayor Nicon Fameronag ang nanguna sa pamamahagi ng ayuda sa mga mangingisda.
Sinabi ni Montesa na bagamat maliit ang P3,000, malaking bagay na umano ito sa mga mangingisda lalo na at makakatipid sila sa gasulinang nabibili.
“Although maliit lang siya na amount, kahit papaano ay makakabawas na rin siguro ito sa gastusin nila sa pagbili nila ng gasulina sa pagpapalaot nila araw-araw. Makakatipid sila at magagamit ito sa ibang bagay para sa kanilang pamilya,” ayon kay Montesa.
Pangingisda ang pangunahing hanapbuhay sa isla ng Sibale, na kabilang sa mga itinuturing na Geographically Isolated and Disadvantaged Areas.
Batay sa 2022 General Appropriations Act, aabot sa P500,000,000 ang halaga ng fuel subsidy na ipapamahagi ng pamahalaan sa mga magsasaka at mangingisda sa bansa.