Napasaya ng Isang Bansa Pilipino o IBP Romblon Chapter ang nasa 150 bata mula sa mga bayan ng Ferrol, Sta. Fe at Looc sa isinagawang Balik Sigla, Bigay Saya Gift Giving activity kaninang umaga.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas Lucena kay IBP Romblon Provincial Director, William Axalan, kanyang sinabi na pinili ang mga batang ito mula sa pamilya ng lubhang mahihirap upang handugan ng pagkain at regalo sa mga premyong inihanda sa parlor games.
Nabatid din mula sa opisyal na nabuo ang kanilang chapter noong February 2022 at kasalukuyang meron nang tinatayang 15K na mga miyembro ng mahihirap na pamilya.
Aniya, mayroon nang nabuong municipal chapters sa 11 bayan mula sa kabuuang 17 bayan ng Romblon. Patuloy naman aniya ang kanilang pagbubuo sa mga naiwang islang bayan.
Sinabi rin niyang maraming makabuluhang proyekto ang kanilang Samahan gaya ng Bayanihan Farm na naka-angkla sa pangunahing layunin ng Pangulong Bongbong Marcos para sa ikabubuti ng Sambayanang Pilipino. l via Leonie Algire, RP Lucena