Ipinag-utos na ni Mayor Greggy Ramos ang pagpapatupad ng lockdown sa lahat ng babuyan sa bayan ng Cajidiocan dahil sa ulat na sunod-sunod na pagkamatay ng ilang alagang baboy sa katabi nitong bayan sa hindi pa alam na dahilan.
Sa panayam ng PIA Romblon kay Ramos nitong Huwebes, sinabi nito na ilan lamang ito sa maagang pag-iingat na ginawa ng kanilang bayan para masigurong mapapangalagaan nila ang kanilang mga hog raisers.
“As as matter of pracautionary measure lang yan kasi nga meron na ring unverified reports in some of our barangays,” pahayag ni Ramos.
Aniya, may mga nabalitaan umano itong tumutungo sa kanilang bayan para magbenta ng mga murang baboy kaya kailangan umano nito magpatupad ng mga hakbang na ito.
Maliban dito ay ipinagbawal na rin ng alkalde pansamantala ang pagbibigay ng permit to travel sa lahat ng baboy sa kanilang bayan.
Ang mga magkakatay naman ng karne ay kailangan rin umanong kumuha muna ng permiso sa kanilang Municipal Agriculture Office bago payagang magkatay para masigurong malusag ang kanilang mga kakataying baboy.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Provincial Veterinary Office sa posibleng dahilan kung bakit may mahigit 100 na di umanong mga baboy sa isla ng Sibuyan ang namatay nitong nakalipas na linggo sa hindi pa tukoy na dahilan.