Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga tauhan ng Provincial Veterinary Office (ProVet) sa sunod-sunod na pagkamatay ng mga baboy sa ilang lugar sa isla ng Sibuyan nitong nakalipas na mga linggo.
Batay sa inisyal na impormasyon na nakuha ng Romblon News Network, unang linggo pa lamang ng Setyembre ay may naiuulat nang nasawi na mga baboy sa hindi pa tukoy na sakit.
Sa isang advisory ng San Fernando Municipal Agriculture Office, September 13 ay kumuha na sila ng sample at ipinadala sa ProVet para sa pagsusuri. Kumuha na rin ng blood sample sa ilang nasawing baboy ang ProVet at ipinadala na sa Department of Agriculture para makumpirma ang posibleng tumamang sakit.
Sa isang panayam kay Dr. Paul Miñano ng ProVet nitong Huwebes, sinabi nito na hindi nila inaalis ang posibilidad na tinamaan ng african swine fever (ASF) ang mga nasawi na baboy.
“Itong mga namatay batay sa pag-iimbestiga natin ay halos parehas sa ASF pero hindi pa natin ‘yan ma-confirm kasi wala pa ang result ng mga pinadala nating blood sample sa DA,” pahayag ni Miñano.
Sinabi pa ni Miñano na ilan sa mga naitala nilang may mga nasawing baboy na ay mula sa mga Barangay ng Azagra, Otod at Canjalon sa bayan ng San Fernando.
Ipinag-utos na noong September 25 ni Mayor Nanette Tansingco ang pagbabawal sa pagpasok at paglabas ng lahat ng produkto ng mga baboy sa mga nabanggit na lugar bilang precautionary measure at ma-kontrol ang pagdami nang mga nasasawing baboy.