Ibinida ni Cyril Dela Cruz, ang bagong talagang PDAO head ng probinsya, na nadagdagan ngayong taon ang bilang ng mga mabibigyan ng social pension na mga persons with disability (PWD) sa probinsya.
Aniya, mula sa bilang na 2800 noong nakaraang taon, inaprubahan ni Governor Jose Riano ang pagdagdag ng 200 PWD para sa programa ng pamahalaang panlalawigan.
“Bawat isang PWD na identified, indigent, at validated ay bibigyan ng ayuda ng Pamahalaang Panlalawigan ng P500 kada buwan o P6,000 para sa isang taon,” pahayag ni Dela Cruz.
Aniya, malaking tulong umano ito para sa talagang mahihirap lalo na sa mga bedridden na at nahihirapan na o magtrabaho dahil sa sakit.
“Malaki kaya costly po talaga, pero kay Governor [Riano] okay naman sa kanya, kung makakatulong ba naman, bakit hindi,” ayon kay Dela Cruz.
Dagdag pa nito, sa susunod na taon ay gawing 4,000 ang indigent na PWD na mabibigyan ng tulong sa ngayon kasi umano halos kalahati lamang ang 3,000 ng total na bilang ng mga rehistradong PWD sa buong probinsya.
Isa lamang ito sa mga benepisyo nang mga PWD na makukuha nila sa gobyerno kung rehistrado sa mga Municipal Social Welfare and Development Office.