Ni-raid ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang bahay ng isang ginang sa San Fernando, Romblon na di umano ay ginaganamit sa online sexual exploitation ang ilang bata kabilang na ang kanyang sariling anak na babae.
Ang entrapment operation ay isinagawa ng Anti-Human Trafficking Division ng NBI, Philippine National Police, Inter-Agency Council Against Trafficking, at Department of Social Welfare and Development, sa bisa ng isang warrant mula sa Makati City Regional Trial Court.
Sa operasyon ay nailigtas nila ang 3 menor de edad kasama na ang batang babae ng suspek.
Sinampahan ang suspek ng kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act, at Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Ang mga nailigtas namang menor de edad ay dinala sa San Fernando Municipal Social Welfare Development para sa kustidiya ng mga bata.
Ayon sa press statement ng NBI, nakatanggap sila ng sumbong mula sa National Crime Agency at Philippine Internet Crimes Against Children Center kaugnay sa ginagawa umanong krimen ng ginang sa San Fernando.