Nakatakdang maglabas ng nasa 490 milyon piraso ng P1,000 polymer banknotes ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa Oktubre 2022, ayon kay Jose Roberto Almeda Jr., Senior Research Specialist ng BSP sa isinagawang information caravan nitong Agosto 31, 2022 sa Kapitolyo ng Palawan.
Aniya, ito ang ikalawang maramihang pag-imprinta ng kauna-unahang polymer banknotes sa bansa na unang isinapubliko noong Abril 2022.
Dagdag nito na ang ilalabas na mga polymer banknotes ay ipapamahagi sa Oktubre hanggang sa Hunyo 2023 hindi lamang sa mga bangko kundi maging sa publiko.
Sa pamamagitan din aniya ng mga isinasagawang information caravan ng BSP ay naihahanda na ang publiko kung paano ingatan o hawakan ang nasabing salapi.
“Ang distribution period nito ay mula October to June 2023, hindi lang ito sa mga bangko kundi sa general public na mismo. Kaya ngayon pa lamang ay nire-ready na natin ang publiko kung paano i-handle ang polymer at ang iba pang mga pera natin,” pahayag ni Almeda, Jr.
Ipinaliwanag din ng BSP na kaya ang P1,000 na denominasyon ng salapi sa bansa ang unang ginawan ng polymer dahil ito umano ang palagiang nagagamit at nagagawan ng pekeng salapi.
Sinabi din ni Almeda na ang kauna-unahang polymer banknotes ay nagtataglay ng high-end security features, kabilang na ang 3D Denomination at Dynamic Waves na mahirap gayahin o gawing peke.
Batay din aniya sa pag-aaral ng Department of Health (DOH) mas maikling panahon ang itinatagal ng virus sa polymer banknote kumpara sa papel na salapi
“Batay sa pag-aaral ng DOH, pitong araw na lang ang tinatagal ng virus sa polymer banknote kumpara sa paper bank note na umaabot ng 21 araw,” dagdag na pahayag ni Almeda, Jr.
Nilinaw din nito na sa paglabas ng polymer banknotes ay hindi pa rin mawawala ang perang papel na P1,000 denomination, ito aniya ay sabay na magsi-circulate sa bansa.
Hindi din aniya nawawalan ng legal tender power ang mga mga natuping pera maliban na lamang kung ito ay nasira o mutilated na. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)