Puspusan na ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng pamahalaang panlalawigan sa mga opisyales ng Department of Health (DOH) para sa agarang pagsasaayos at pagpapaganda ng Marinduque Provincial Hospital (MPH).
Kamakailan ay muling nakipagpulong si Gov. Presbitero Velasco Jr. kay Dr. Mario Baquilod, regional director ng DOH-Center for Health Development (CHD)-Mimaropa kasama ang mga kinatawan ng Health Facilities Enhancement Program o HFEP.
Pinagusapan sa ugnayang pagpupulong ang mga panukalang plano at programa para sa nakatakdang ‘renovation at upgrading’ ng mga pasilidad at kagamitan gayundin ang pagpapabuti ng serbisyong medikal ng MPH.
Ayon kay Velasco, patuloy ang kanilang pagsusumikap na maiangat sa mas mataas na antas ng kahandaan o level 2 at mabisang gamutan ang maiibigay ng panlalawigang ospital.
Dagdag pa ng gobernador, sakaling matapos ang proyekto ay aasahan ng mga mamamayan ang de-kalibre at epektibong gamutan.
Bukod pa rito ay tataas ang posibilidad na hindi na kakailanganin pang iluwas ang pasyente sa mga karatig na lugar maging sa NCR dahil magkakaroon na ng mga modernong kagamitan ang MPH.
“Makakaasa po kayo na patuloy na magsusumikap ang inyong lingkod kasama si Speaker Lord Allan Jay Velasco para matugunan ang pangangailangang pangkalusugan ng ating mga minamahal na kababayan,” anang panlalawigang punong ehekutibo.
Matatandaan na naglaan ang pamahalaang nasyunal ng halos P580 milyon pondo kung saan P421 milyon ang inilaan sa imprastraktura habang P150 milyon naman ang para sa medical equipment ng MPH. (RAMJR/DFR/PIA MIMAROPA)