Sisimulan ng itayo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang Provincial Training Center sa bayan ng Odiongan.
Ito ay matapos magpirmahan nitong Huwebes, October 21, sina TESDA Secretary Isidro Lapeña at Anahao Barangay Captain Lito Romero ng Deed of Usufruct.
Hudyat ito ng pagpayag ng Barangay Gov’t ng Anahao na gamitin ng ahensya ang 504sqm lot ng barangay na para tayuan ng Provincial Training Center.
Sa pahayag ni Secretary Lapeña nang ito ay bumisita sa Odiongan nitong Huwebes, sinabi nitong masaya siya para sa Barangay Anahao at para sa bayan ng Odiongan dahil dito itatayo ang training center ng ahensya.
Ang pagkakaroon ng training center sa isang bayan ay makakapagbigay ng oportunidad sa mga residente nito na magkaroon ng mga skills na magagamit nila sa araw-araw nilang mga trabaho o di kaya ay sa paghahanap ng trabaho sa lokal at labas ng bansa.
“In Romblon, especially in Odiongan, nakikita namin na marami ang may kailangan ng training. Sa mga island provinces, ang aming sinasabi ay dapat ‘we should be self-sufficient in food’, kaya mga nakikita niyo na training na inihahatid dito ay about agri-crop production, organic agriculture at mga training pang ganyan,” pahayag ni Secretary.
Ang pirmahan ng Deed of Usufruct ay sinaksihan nina Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic, TESDA Mimaropa OIC Joel Pilotin, at TESDA Romblon Provincial Director Amir Ampao.
Si Secretary Lapeña ay kasalukuyang nag-iikot sa iba’t ibang probinsya sa Pilipinas upang personal na tingnan ang pagpapatupad ng mga programa ng TESDA sa kanayunan.