Sa susunod na taon, nais ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Secretary Isidro Lapeña na magkaroon ng diploma program ang Romblon National Institute of Technology at ang opisina ng TESDA sa lalawigan ng Romblon.
Ito ang kanyang ibinahagi ng siya ay magbigay ng mensahe sa ginanap na pirmahan ng Deed of Usufruct sa Barangay Anahao nitong October 22, kung saan itatayo ang Provincial Training Center ng TESDA.
“If we have diploma program, ‘yung mga taga-Romblon, hindi na nila kailangang pumunta ng Manila para magkaroon ng diploma, puwede na po rito. I give them 3 months, kailangan ma-implement niyo na ‘yung diploma program na yan,” hamon ni Secretary Lapeña sa pamunuan ng TESDA Romblon.
Sinabi rin ng kalihim na makikinabang ng malaki ang mga taga-Romblon sa programang ito lalo na ang mga estudyanteng problema ang pera sa pag-aaral.
“Ang mga parents natin, gusto nila magkaroon ang anak nila ng diploma. Papaano kung hindi nila kaya magpaala ng anak sa kolehiyo? So this is the path, dito po sa TESDA. Hindi kailangan na mayaman ka para magkaroon ka ng diploma,” pahayag ni Secretary Lapeña.
Si Secretary Lapeña ay kasalukuyang nag-iikot sa iba’t ibang probinsya sa Pilipinas upang personal na tingnan ang pagpapatupad ng mga programa ng TESDA sa kanayunan.