Iniugnay ng Philippine Statistics Authority (PSA)-Romblon ang pagdami ng mga nagpapatala para sa National ID at humihingi ng mga civil registry documents sa isinasagawang validation ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga benepisyaryo ng mga programa nito.
Ayon kay PSA-Romblon Chief Statistical Specialist Engr. Johnny Solis, kapansin-pansin ang pagtaas ng bilang ng mga nagtutungo sa kanilang tanggapan sa nakalipas na dalawang linggo.
“Napansin namin na biglang tumaas ang volume ng mga nagpaparehistro at nagre-request ng birth certificate dahil may karagdagang validation na ginagawa ang DSWD sa mga prospective beneficiaries. Isa sa mga hinihinging requirements ay ang National ID at mga civil registry documents,” ani Solis.
Ipinaliwanag niya na hindi na bago sa PSA ang ganitong sitwasyon dahil nakaranas din sila ng kaparehong pagdami ng mga aplikante noong nakaraang buwan.
Sinabi rin ni Solis na patuloy ang kanilang serbisyo sa pamamagitan ng online National ID registration sa iba't ibang munisipalidad ng Romblon, gayundin ang pagtanggap ng mga kahilingan para sa mga civil registry documents upang mas mapadali ang pagkuha ng mga kinakailangang dokumento ng publiko.
Hinimok naman ng PSA ang mga residente na maagap na magparehistro para sa National ID at tiyaking kumpleto ang kanilang mga civil registry documents upang maiwasan ang pagkaantala sa pag-avail ng mga programa at serbisyong panggobyerno. (PJF)



































Discussion about this post