Desidido na ang pamahalaang lokal ng Romblon na ipatupad simula sa Biyernes ang nakasaad sa Municipal Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (MIATF) Resolution #7 upang maiwasan pa ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa bayan.
Sa isang panayam nitong Miyerkules ng Philippine Information Agency – Romblon kay Romblon mayor Gerard Montojo, sinabi nitong habang maaga pa ay dapat mapababa na umano ang bilang ng aktibong kaso ng Covid-19 sa bayan upang hindi magsiksikan ang mga kailangang i-quarantine sa mga isolation facilities.
“Hindi pa naman [puno ang isolation facilities]. Kaso nga lang yung ibang mga barangay kasi halimbawa nalang ng Barangay Capaclan, medyo marami [ng kaso] kaya sila napupuno, pero ‘yung ibang schools [na isolation facility] ay wala naman masyado,” pahayag ng alkalde.
Kabilang sa paghihigpit ng lokal na pamahalaan ang pagbabawal muna lumabas ng mga bahay ng mga hindi pa bakunado laban sa Covid-19 mula October 1 hanggang 10 at ang hindi pagpasok sa kanilang bayan ng mga galing sa ibang munisipyo kung hindi kabilang sa Authorized Persons Outside Residence o APORs.
Nilinaw rin ng alkalde ang mga haka-haka sa social media na ginawa ng lokal na pamahalaan ng mandatory ang pagbabakuna laban sa Covid-19.
“Wala naman akong sinabing mandatory. Ang nakalagay doon ay encourage. Pero for the meantime, October 1-10, for the safety of everyone, inaanu muna namin na wala munang lalabas na unvaccinated. So kung ayaw nilang magpabakuna, bahala sila, basta everytime na maglabas kami ng ganito hindi sila makakalabas. It’s for their safety and protection also,” pahayag ng akalde.
Sinabi rin nito na dapat umano tingnan ng publiko ang anggulo na prinopretektahan lang na pamahalaan ang kanilang kaligtasan.
“Hindi rin namin sinabi na all throughout na yan, [October] 1-10 lang at ang nakalagay doon everyone is encourage,” dagdag pa ng alkalde.
Dagdag pa ng alkalde, bukas naman umano ang mga businesses at mga workplace kabilang na ang construction ngunit kapag ang nagtatrabaho rito ay hindi bakunado, inaabisuhan sila na huwag nalang muna umuwi ng kanilang bahay at doon nalang mag-bubble sa kanilang pinagtatrabahuan.
“Hindi naman namin tinanggal ‘yung pagtatrabaho maging ang construction, tuloy ang construction. Kung wala silang bakuna, pwede parin silang pumasok pero stay-in sila doon. For one week, huwag muna silang umuwi sa kanila. ‘Yun lang naman, hanggang [October] 10 lang naman ‘yun,” pahayag ni Mayor Montojo.
Samantala, ulat rin ng alkalde, kahapon ay nakapagtala ang 221 na aktibong kaso ng Covid-19 sa kanilang bayan kung saan 138 rito ay nagpositibo sa RT PCR test at 83 naman sa Rapid antigen test.