Mahirap mga tropapips kapag may edad ang kurimaw na laki sa lola ang kausap natin dahil matalinghaga ang mga banat niya patungkol sa pagluluwag kaagad ng lokal na turismo sa bansa. Para daw itong prutas na “hinog sa pilit” dahil nandiyan pa rin ang peligro ng hawahan sa COVID-19.
Pero bago ‘yan, pag-usapan muna natin mga tropapips ang hanay ng kapulisan na “warak” na naman dahil sa kabaro nilang si Police Master Hensie Zinampan, na parang manok na binaril at pinatay ang isang ginang sa Quezon City.
Dahil sa ginawa ni Zinampan, parang eksena sa pelikula na nag-flashback na slowmotion ang ginawa ni dating Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa mag-inang Sonya at Frank Anthony Gregorio, na binaril din nito na parang manok naman sa Paniqui, Tarlac.
Ang dalawang insidente, halos anim na buwan lang ang pagitan. Ang matindi, nagkomento pa noon si Zinampan sa social media tungkol sa ginawa ni Nuezca.
Sabi ni Zinampan: “I am proud to be a good cop” at “The sin of Nuesca is not the sin of the entire PNP.”
Tingnan mo nga naman ang buhay, sinong mag-aakala na gagawin pala ni Zinampan ang ginawa ni Nuezca pagkaraan lang ng ilang buwan.
Bago niya patayin ang ginang, pumasok kaya sa isip ni Zinampan si Nuezca kaya niya ginaya at ginawa ang krimen?
Kahit maraming pulis ang galit sa ginawa ni Zinampan tulad ni PNP Chief Guillermo Eleazar, malamang na mayroon din mga kabaro nila ang masaya. Partikular na ang mga sisiga-siga sa kanilang lugar dahil tiyak na lalo pang titindi ang takot ng mga sibilyan sa mga pulis.
Balik na tayo sa hinog sa pilit. Nagtataka at hindi maiwasan ng kurimaw nating laki sa lola na mangamba na baka dumami pa lalo ang COVID cases sa bansa ngayon nagluwag na ang pamahalaan sa lokal na turismo.
Marami na kasing bakasyunan ang pinayagang magbukas at mapuntahan ng mga nasa NCR Plus. Gaya ng Boracay, Baguio, La Union at iba pa. Bakit daw hinayaan na agad na makalabas ang nasa NCR Plus kahit kakaunti pa lang ang mga nababakunahan?
Sabagay, may katwiran nga naman ang kurimaw natin na mag-alala na posibleng madala ng taga-NCR Plus ang virus sa probinsiya na kanilang pupuntahan, o maiuwi nila ang COVID-19.
Kahit nga sa simpleng mga inuman at salu-salo, nangyayari ang hawahan, o ang tinatawag na super spreader gaya ng ilang insidente sa Quezon City. Mabuti sana kung mild o asymptomatic ang mga magiging tama sa pasyente. Pero kapag severe at critical, lagot ang buto-buto at bulsa sa gastos sa ospital.
Tanong ng kurimaw, hindi raw kaya masyadong nag-aapura ang pamahalaan na palitawin na unti-unti nang nagiging normal ang sitwasyon sa bansa kahit napakalayo pa ang target na bilang ng mga dapat mabakunahan?
Kung ngayong June o July nga naman inaasahan na bubuhos ang dating ng mga bakuna, hindi raw kaya dapat dagdagan na muna ang matutukan bago niluwagan ang lokal na turismo para makasiguro?
Sabagay, kahit bahagyang nabawasan ang COVID cases sa Metro Manila eh mataas pa rin naman ang bilang nito. Pataas din ang mga kaso ng virus sa ibang lalawigan, at mahigit 50,000 pa ang acitive cases kumpara sa 30,000 cases lang noong Marso bago ang pagsipa ng virus noong Abril.
Sabi ng kurimaw natin, gaya raw ng laging bilin ng kaniyang lolang mahilig maghabi ng banig habang nagnganganga–ang anoman daw na “hinog sa pilit,” asahan na may malalasahang pakla sa huli. May pagsisisihan nga kaya tayo sa huli?
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)