Dumalaw ang mga opisyal ng lalawigan ng Romblon sa mga atletang Romblomanon na kalahok sa Palarong Pambansa sa Agusan del Sur bilang pagpapakita ng suporta sa delegasyon ng lalawigan.
Pinangunahan nina Congressman Eleandro Jesus Madrona, Governor Trina Alejandra Firmalo-Fabic, at Vice Governor Armando Gutierrez ang pagbisita kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at mga alkalde mula sa 17 bayan ng lalawigan.
Nagkaroon din ng salu-salo para sa mga atleta, coaches, trainers, at mga kawani ng Department of Education na bahagi ng delegasyon ng Romblon.
Ayon kay Madrona, layunin ng kanilang pagdalaw na ipakita ang suporta at pagpapahalaga ng mga lider ng lalawigan sa mga kabataang atletang kumakatawan sa Romblon sa pambansang palaro.
Hinimok din niya ang mga manlalaro na pagbutihin ang kanilang pagsasanay at paglalaro at maging inspirasyon ang mga kilalang atletang Romblomanon tulad ni Elma Muros.
Sinabi rin ni Madrona na magkakaloob ng insentibo ang lalawigan sa bawat atletang Romblomanon na makakakuha ng medalya sa Palarong Pambansa.
Sa tala ng delegasyon, may kabuuang 56 na atleta at 18 coaches, trainers, at DepEd personnel ang kinatawan ng Romblon sa kompetisyon na gaganapin mula Mayo 24 hanggang 31, 2026.
Ayon sa mga opisyal, ito ang pinakamalaking delegasyong naipadala ng lalawigan sa kasaysayan ng pagsali nito sa Palarong Pambansa.
Patuloy din umanong palalakasin ng pamahalaang panlalawigan ang sports development programs upang mas mahubog ang talento ng mga kabataang atleta at mapalawak pa ang oportunidad para sa mga Romblomanon sa larangan ng sports.



































Discussion about this post