Nagsimula na ngayong araw ang Covid-19 vaccination rollout sa probinsya ng Romblon. Sa Romblon Provincial Hospital ito nagsimula kung saan mga healthcare workers ang unang nabakunahan.
Si Dr. Benedict Anatalio ang hepe ng RPH ang unang nakatanggap ng vaccine na itinurok ng nurse na si Michelle Umali.
Sinundan ito ng iba pang espesyalista ng ospital at ilang nurse.
Hinihikayat ni Doctor Anatalio ang mga healthcare workers sa buong probinsya na makiisa sa vaccination program ng pamahalaan dahil umano ang pinakamagandang bakuna ay ang bakunang nasa katawan na.
Sa ngayon, may 750 na Sinovac vaccine ang meron sa probinsya ng Romblon kung saan 325 na mga healthcare workers ang inaasahang makikinabang.
Ang ceremonial COVID-19 Vaccination ay dinaluhan ni Governor Jose Riano at iba pang opisyal ng probinsya ng Romblon.
Ayon kay Governor Riano, target ng RPH na makapagbakuna ng hanggang 90 katao sa isang araw.
Samantala, simula ngayon hanggang March 15 ay pansamantalang hindi muna tatanggap ang Romblon Provincial Hospital ng pasyente para sa ilan nilang serbisyo upang bigyang daan ang gagawing inoculation ng mga health care workers rito.
Sa opisyal na pahayag ng RPH, ang mga suspendido munang serbisyo ng RPH ay ang OPD kagaya ng consultations, x-ray examinations, laboratory request at ct scan na nanggagaling sa labas; at elective surgeries o mga hindi nangangailangan ng agarang operasyon.
Magiging limitado rin ang pagtanggap ng admissions at referrals galing sa ibang ospital.