Humingi ng paglilinaw si Cajidican Mayor Marvin Ramos sa Romblon Electric Cooperative (ROMELCO) hinggil sa kasalukuyang estado ng suplay ng kuryente at mga contingency measure sa kanilang bayan sa gitna ng umiiral na krisis sa enerhiya.
Sa liham na may petsang Marso 30 na ipinadala kay Engr. Rene M. Fajilagutan, general manager ng ROMELCO, hiniling ng alkalde ang update sa power supply status at kakayahan ng mga pinagkukunan ng kuryente, kabilang ang Cantingas Mini Hydro Power Plant.
Ayon kay Ramos, nahaharap sa hamon ang suplay ng kuryente sa isla ng Sibuyan dahil sa pagbaba ng lebel ng tubig dulot ng tag-init, na nakaapekto sa operasyon ng hydro power facility. Bukod dito, umaasa rin ang isla sa kuryente mula sa Napocor na gumagamit ng krudo, na apektado naman ng kakulangan sa supply at pagtaas ng presyo nito sa gitna ng pandaigdigang krisis sa enerhiya.
Dahil dito, sinabi ng alkalde na mahalagang malaman ang konkretong plano ng power provider upang matiyak ang tuloy-tuloy at maaasahang suplay ng kuryente, lalo na sa panahon ng mataas na demand.
Binigyang-diin din ni Ramos na hindi sapat ang pag-aanunsyo ng rotational brownout sa social media, at kinakailangan ang malinaw at konkretong mga hakbang upang matugunan ang posibleng kakulangan sa suplay ng kuryente.
Sa ngayon, hinihintay ng lokal na pamahalaan ang tugon ng ROMELCO kaugnay ng kanilang liham, habang inaasahang magtutulungan ang pamahalaan at komunidad upang harapin ang mga hamon sa sektor ng enerhiya.


































