Mistulang na-1-2-3-4 combination ng hambalos, hagupit at bayo mga tropapips ang Pilipinas sa magkakasunod na bagyong Rolly, Siony, Tonyo, at ang pinakahuli [sana kahit man lang ngayong 2020] ay itong si Ulysses. Pero ang tanong, anong mangyayari pagkatapos?
Sa tindi ni Ulysses, inihalintulad na siya kay Ondoy noong 2009 dahil sa ginawa niyang pagpapalubog din sa Metro Manila. Pero kung tutuusin, sabi ng mga eksperto, mas matindi ang dating ni Ondoy kumpara kay Ulysses.
Naging matindi nga lang ang pinsala ni Ulyssess na umabot mula sa Bicol hanggang Cagayan-Isabela dahil nga nagpa-advance party na siya ng tubig-ulan mula sa nauna niyang mga tropang bagyo.
Sa simpleng paliwanag ng mga eksperto, dahil sa halos linggo-linggong ulan, parang kantang “basang-basa sa ulan” ang mga lupa sa kabundukan at hindi na nila kayang sumisip ng tubig na ibinuhos ni Ulysses. Kahit naman ang baso na puno na ng tubig, kapag nilagyan pa ng tubig eh aapaw.
Ang resulta, maraming lugar ang talagang nalubog sa baha. Maraming bahay ang inabot ng tubig hanggang sa second floor at maging sa mga bubungan. Malamang na marami na namang magbebenta ng second na sasakyan dahil sa nalubog sa baha.
Marami rin ang napinsala dahil sa landslide, at naging pahirapan ang paglilinis ng mga binahang bahay dahil may kasamang putik ang baha. Malinaw na galing sa bundok ang tubig at wala nang mga puno na sisipsip ng tubig at mga ugat na kakapitan ng mga lupa.
At itong Marikina river, wala bang planong naiisip kung ano ang puwedeng gawin para hindi na maging paulit-ulit ang paglubog ng lugar na ito at mga kalapit nilang munisipalidad? Sabi ng isa nating kurimaw na mahilig magtampisaw sa baha, kung hindi nila kayang lagyan ng dambuhalang dike gaya ng ginagawa sa Japan o hanapan ng dadaanan ang tubig, maigi pa raw na sementuhin na lang ang ilog.
Natural na nagbibiro lang ang kurimaw natin sa mungkahing pagsesemento pero magandang pag-aralan nga naman ang dambuhalang dike o hanapin ang dahilan kung bakit naiipon ang tubig sa kanila.
Ngunit ang malaking tanong pa rin, what’s next? Katulad din ba ng mga dati na kapag wala na ang mga bagyo at sumikat na ang araw eh “back to normal” na? Charge to experience na lang uli ang pagkakalubog sa baha dahil tutal eh natuyo na uli ang mga pantit-bra at brief at nalalakaran na uli ang kalsada?
Pero papaano kung pagkatapos ng panibagong 10 taon eh “sumugod” na naman ang grupo ng mga bagyo? Papaano kung mas marami pa kaysa sa apat? Magkukumpara na lang ba ulit sa kung alin ang mas matinding bagyo?
Isa malamang mga tropapips na mauungkat muli ngayon eh yung panukalang pagbuo ng Department of Disaster Resilience na tututok sa mga usapin tungkol sa kalamidad gaya ng bagyo. Kabilang sa mga magiging trabaho nito ay tutukan ang before, during at after ng pagtama ng kalamidad.
Kasama rin sa trabaho nito eh hanapan ng solusyon ang mga ugat ng problema sa epekto ng kalamidad. Aprubado na sa Kamara de Representantes ang panukala sa pagbuo ng naturang kagawaran pero tagilid naman ito sa Senado.
Puna kasi ng ilang senador, dagdag gastusin at burukrasya ang departamento samantalang may mga ahensiya naman na nakatoka sa mga kalamidad gaya ng national disaster risk reduction and management council.
Iyon nga lang, nakakalat sa iba’t ibang kagawaran ang mga pagtugon kapag may kalamidad. Kaya halimbawa ng relief ops na nasa DSWD; clearing at rehab ops sa mga lansangan sa DPWH; rescue na kung hindi na kaya ng local at NDRRMC eh papasok ang Coast Guard at militar at iba pa.
Hindi natin alam kung papaano reresolbahan ng mga opisyal natin ang mga iyan pero kung nagkakampihan na ang mga kalamidad, aba’y dapat magkampihan din ang mga ahensiya natin para protektahan at tulungan ang mga biktima ng kalamidad.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)