Marami ang nagulat mga tropapips nang ianunsyo ng “graft buster” na si Ombudsman Samuel Martires na ipinatigil niya ang lifestyle check sa mga opisyal ng gobyerno at hindi rin basta-basta maglalabas ng kopya ng SALN o statement of assets, liabilities and net worth.
Pero bago ‘yan, aba’y nakalulungkot kung tama ang resulta ng pinakabagong survey ng Social Weather Station na nagsasabing 7.6 milyon na pamilya raw ang nakaranas ng pagkagutom sa ikatlong bahagi ng taon.
Sa kasaysayan daw ng SWS, ito ang pinakamataas na hunger incidence na kanilang naitala.
Sa kanilang datos, 30.7 ng kanilang tinanong sa pamamagitan ng pagtawag ang nagsabing nakaranas sila ng gutom mula sa buwan ng Hulyo hanggang Setyembre. Nalampasan nito ang datos noong Marso 2012 na 23.8 percent.
Hindi naman nakapagtataka mga tropapips na mangyari ito kung totoo dahil nga mayroong pandemya at maraming nawalan ng pagkakakitaan. Sana lang eh wala tayong madinig na reaksyon na, “Buti eh 30.7 percent lang.”
Sa halip, dapat pang kumilos ang national at local government para maghatid ng tulong sa mga kababayan natin talagang sadsad at said na ang pagkukunan ng panggastos. Baka kung naipamigay ng DSWD ang “natipid” nilang P10 bilyon na pang-ayuda, baka mas mababa ang bilang ng mga nagutom.
Kaya naman may nagmumungkahi rin na buksan na ang iba pang industriya kahit nandiyan pa ang COVID-19 para makapagtrabaho na uli ang mas marami nating kababayan. Kaya lang, kung mas maraming taong lumalabas at nagsasama-sama ang trabaho at sa biyahe, mas malaki rin ang peligro ng hawahan.
Diyan eh parang tatawid sa alambre ang mga kababayan natin para magdesisyon: ang magutom o magka-COVID?
Samantala mga tropapips, hindi komedyanteng nagpapatawa si Martires nang sabihin niyang ipinatigil niya ang lifestyle check at hinigpitan ang paglalabas ng SALN ng mga public official.
Bukod daw sa malabo ang probisyon sa batas tungkol sa pagpapatupad nito na code of conduct for public officials, o Republic Act No. 6713, hindi rin daw ito mabisang paraan para mahuli ang mga kurap na opisyal.
Maliban pa doon, nagagamit din daw ang lifestyle check at SALN para kotongan ng mga tiwaling media at ilang politiko ang mga opisyal. Pero tanong ng kurimaw natin na walang asset at liabilities dahil walang networth, kung galing naman sa malinis na paraan ang kayamanan ng isang opisyal at kaya niya ipaliwanag, papaano siyang makokotongan?
Hindi rin naniniwala ang kurimaw natin na hindi epektibo ang life style check dahil ilang opisyal at maging kawani na raw ng pamahalaan ang nakuwestiyon dahil sa dami ng ari-arian nila gayung kung susuriin ang kanilang sahod eh mahirap nilang makukuha.
Kung may negosyo ang isang opisyal o kawani, o namana nila ang ari-arian o kaya eh tumama sila sa lotto, eh ‘di wow! ang kanilang magiging paliwanag. Pero kung sa sahod lang sila umaasa at mayroon mamahaling sasakyan ang isang janitor sa Bureau of Customs at panay ang biyahe sa abroad, aba’y sana all ang masasabi natin diyan.
Matatandaan na ginawang inspirasyon ng Pilipinas ang lifestyle check na ginawa noon ng Independent Commission Against Corruption (ICAC) ng Hong Kong dahil nagawa nilang linisin ang mga kurap nilang opisyal dahil sa naturang kampanya.
At ngayong panay pa rin ang hinaing ni President Mayor Digong Duterte na hindi matapos-tapos ang katiwalian kahit sa ilalim ng kaniyang liderato, hindi kaya lalong lumala at magpista ang mga kurap na opisyal dahil sa direktiba ni Martires?
Kung wala nang lifestyle check, wala nang iisipin ang mga kulokoy na opisyal kung papaano nila itatago ang kanilang mga nakukurakot at mga nabibiling bagong sasakyan o mga ari-arian na katas ng katiwalian.
Sakabilang banda, may punto si Martires dahil madalas kinakasangkapan sa pamumulitika at pananakot ang SALN, kahi gaano katino ang isang opisyal kapag meron nagpakulo para sirain ang kanyang imahe, ginagamit ang usaping nagpayaman sa pwesto kahit hindi naman ginawa nito. Ang katotohanan— mahirap bumalanse kapag nasa pwesto.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)