Dahil sa banta ng bagyong Ofel na patuloy na lumalapit sa bansa, itinaas na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang Tropical Cyclone Wind Signal #1 sa probinsya ng Romblon ngayong madaling araw ng Miyerkules, October 14.
Ayon sa Pagasa, ang bagyong Ofel ay nasa layong 30km East Northeast ng Borongan City, Eastern Samar at inaasahang magla-landfall sa Eastern Samar area ngayong araw bago tumawid ng Samar Sea.
Maliban sa Romblon, nakataas rin ang signal #1 sa mga Southern portion ng Quezon, Marinduque, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Masbate, Northen Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran, at Northern portion ng Leyte.
Taglay ni Ofel ang lakas ng hangin na aabot sa 45 km/h malapit sa gitna, at bugsong aabot sa 55 km/h. Gumagalaw ito sa direksyon na northwestward sa bilis 10 km/h.
Sinabi rin ng Pagasa na magdadala ng katamtaman hanggang sa malakas na buhos ng ulan sa Bicol Region, Northern Samar, Eastern Samar, Samar, southern Quezon, Marinduque, at Romblon ngayong araw.