Mukhang hindi lang ang mga OFW ang mga “bagong bayani” na natin na hindi nakakukuha ng sapat na tulong at pagkilala sa harap ng nararanasang krisis ngayon na dulot ng COVID-19 pandemic. Pati ang ating mga frontliner na health workers, aba’y balak rin yatang tablahin.
Naungkat mga tropapips sa pagdinig sa Senado ang isang probisyon sa Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act, na naglalayong bigyan ng kompensasyon ang mga frontliner na medical workers na nasawi in line of duty sa paglaban sa COVID-19.
Hindi naman talaga biro ang ginagawa ng mga “white soldier” sa pagharap sa hindi nakikitang kalaban—ang virus na made in China.
Dahil noong nagsisimula ang pagdami ng COVID-19 cases sa Pilipinas, nagkakaubusan ng PPEs at marami ang biglang nahawa kaya marami ring medical health workers ang nahawahan—ang ilang sa kanila ay nasawi, ang ilan ay nakaligtas pero nakalagay sa bingit ng kamatayan ang buhay.
Sa ilalim nga ng probisyon na iyon mga tropapips, dapat na makatanggap ng P1 milyon bilang kompensasyon ang health worker na nahawahan ng COVID-19 at nasawi dahil sa pagtupad sa kaniyang trabaho. Ang mga medical workers na nahawahan din ng virus in line of duty at nakaligtas pero naging matindi ang inabot na laban sa virus, dapat na makatanggap naman ng tig-P100,000.
Pero mula nang maisabatas ang RA 11469 noong Marso, lumipas ang Abril, Mayo, at nasa ikalawang linggo na tayo ng Hunyo, aba’y hindi naipatupad ang batas at walang nabigyan ng naturang kompensasyon—ang dahilan, walang IRR o implementing rules and regulations na dapat manggaling sa Department of Health.
Kaya hindi maiwasan ng mga senador tulad ni Sonny Angara ang mayamot at madismaya dahil alam niya [bilang isang COVID-19 patient at survivor] kung gaano kahirap ang trabaho ng mga frontliner na medical worker na nag-aasikaso sa mga tinamaan ng virus. Marami sa mga health worker ang hindi na umuuwi at hindi nakakapiling ang kanilang pamilya dahil ayaw nilang mag-uwi ng virus.
May ilan naman na nagiging biktima ng diskriminasyon at napapalayas sa kanilang tinitirhan, o kaya eh hindi pinapasakay dahil natatakot ang mga ilan na baka mayroong virus ang frontliner. Parang lumalabas na hanggang daldal lang ang papuri natin sa mga medical worker bilang “bagong bayani” pero pagdating sa gawa at patunayan ng pasasalamat sa kanilang sakripisyo eh nganga na.
Gaya na rin lang ng nangyayari sa mga bagong bayani nating OFWs na katakot-takot na dusa rin ang inaabot nang umuwi sa Pilipinas. Dahil sa krisis at nawalan ng trabaho, napilitan silang magsiuwi. Kilala natin ang mga OFW, hindi uuwi ang mga iyan at hindi makikipagsapalaran sa Pilipinas hangga’t may pag-asa silang makapagtrabaho sa bansang kinaroroonan nila.
Kahit magtulak sila ng pison, magsalok ng tubig sa dagat, o kaya eh utusang punuin ng tubig ang inidoro, o kahit anong hirap ng trabaho eh papasukin ng mga iyan huwag lang umuwi ng bansa. Alam kasi nila na wala silang maaasahang trabaho pag-uwi nila sa Pilipinas at wala silang maibibigay na pangtustos sa pangangailangan ng pamilya.
Kaya kapag umuwi sila, tiyak na wala na talaga silang ibang paraan na magagawa at wala nang mapupuntahan.
Ang kaso pag-uwi nila, katakot-takot na pahirap ang kanilang dinanas mula sa biyahe, sa pag-quarantine, sa COVID testing at biyahe pa pauwi sa kanilang mga probinsiya. Tila nakalimutan na ang malaking kontribusyon ng kanilang ipinapadalang remittance sa paglago ng ating ekonomiya kaya sila tinawag na mga bagong bayani.
Alalahanin din natin mga tropapips na kahit sinasabing sinasagot ng OWWA o DFA ang gastos sa mga pamasahe at tinutuluyan ng mga umuwing OFWs, aba’y bilyong-bilyong piso ang pondo ng mga OFW sa OWWA kaya malamang pera din ng mga OFW ang ginagamit sa gastos.
Kaya sana, mapahusay pa ang ginagawang pag-alalay sa mga OFW, at sana kung may oras ang DOH sa pamimili ng mahal na PPEs, eh maglaan din sila ng panahon na gawin ang IRR para sa kompensasyon ng mga medical frontliners na naapektuhan ng COVID-19.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)