Lumabas mga tropapips ang pagiging palaban ni Mega Star Sharon Cuneta sa pagtatanggol at pagprotekta sa anak nila ni Senador Kiko Pangilinan na si Frankie, na sinabihan ng isang netizen na gagahasan sa isang social media post.
Ika nga, let mo refresh your memory mga tropapips dahil ilang linggo na rin ang nakalilipas mula nang magsimula ang isyung ito kay “hija” Frankie. Nag-ugat ang lahat sa social media post ng “hindi na natutong” Lucban municipal police station (MPS) na nagbigay ng “paalala” sa mga kababaihan na para makaiwas sa pambabatos.
Ano nga ba ang kontrobersiyal na post ng Lucban MPS na inalis na nila at naging daan pa para humingi sila ng paumanhin. Ang sabi nila: “Mahalin natin ang mga kababaihan at huwag nyo abusuhin ang kanilang kabaitan. Kayo naman mga gherisz, ‘wag kayo magsusuot ng pagkaikli-ikling damit at pag naman nabastos ay magsusumbong din sa amin, Isipin nyo rin!”
Aba’y ok na sana sa simula pero sumablay yung nag-post na, “kayo naman gherisz,” na gusto pa yatang magpaka-millenial pero palpak naman pati sa paglalagay ng exclamation point sa dulo ng paalala.
Bakit nasabi natin na hindi natuto ang Lucban MPS? Kasi mga tropapips, nalagay na rin sa ganiyang sitwasyon noong 2018 ang Angono, Rizal-MPS, na nagbigay ng 10 paalala para mga kababaihan pero ang ending eh sumabit din sa tinatawag na “victim blaming.” Kasama sa paalala iyon sa mga kababaihan na huwag ding magsusuot ng maigsing damit at huwag maglalasing para iwas-rape.
Hindi nakapagtataka kung “sensitive” ang mga kababaihan sa isyu ng “victim blaming” dahil nga…hello…siyempre sila ang nabibiktima. May lalaki rin naman nabibiktima ng rape at pambabastos pero bihira. May lalaki na ba kayong nakita o nabalitaan na nagreklamo dahil binastos siya sa suot niyang sando at short-short na bakat ang betlog?
Pero ang babae, kahit hindi naman sexy ang suot pero may nakitang kurba sa katawan niya ang isang lalaking hayok tulad ng umbok sa dibdib o puwet, aba’y malamang na sipulan siya o titigan na parang hinuhubaran. Sabi ng isa nating kurimaw na mahilig magbasa noon ng Xerex, ang lalaking nakokontrol ang sarili, malamang daw magnanasa lang at uuwi para kausapin ang kaniyang “pututoy” at ipakikilala sa kamay niya sa banyo. Tapos magiging ok na raw ang pakiramdam nito pagkatapos.
Ang mahirap, iyong mga lalaking hindi marunong gamitin ang kamay at gustong ipakita na mas malakas siya sa babae. Kaya nga reklamo ng mga babae, wala iyan sa suot o paglalasing dahil kung marunong rumespeto ang lalaki, hindi niya babastusin o hahalayin ang babae—anuman ang suot at edad.
Doon na nga nagsalita mga tropapips si Frankie na itigil ang pagsisi sa mga babae kaya nababastos. May isang broadcaster naman na komontra sa kaniya at tinawag pa siyang “hija,” kaya nag-trending ang hashtag na “hijaako,” na pagsuporta kay Frankie at pagkukuwento ng ibang kababaihan na nabiktima ng pambabastos at pagsasamantala ng lalaki.
Kasunod na nga nito ang isang lalaking netizen na nagpost na hindi mo malaman kung nagpapansin na nagsabing gagahasain niya si Frankie: “Pasalamat ka iha, kung ang edad ko ko 12 yrs. magtago ka na sa tatay mong senador kiko matsing pangilinan dahil hahanapin kita para gahasain. tapos sisihin mo tatay mo dahil hindi ako makukulong.”
Ang pinatutungkulan ng netizen eh ang “juvenile justice law” na iniakda ni Kiko na nagsasaad na hindi basta-basta makakasuhan at maikukulong ang mga nagkasala sa batas na edad 15 pababa. Pero tama bang sabihan niya si Frankie na gagahasain niya? Ngayon, may mega problem ka kay Mega Star.
Hindi ito ang unang pagkakataon mga tropapips na may mga netizen na nagbabanta ng karahasan at pambabatos. Kaya dapat tapusin ni Ate Shawie ang paghabol niya sa netizen na nagbanta ng hindi maganda kay Frankie. Sa ganitong paraan, mabibigyan ng babala ang ibang ungas na netizen at matuturuan naman ang iba pang biktima ng pananakot online kung ano ang dapat nilang gawin.
Habang ang kapulisan, magandang mag-post sa social media na: attention sa mga kalalakihan, huwag mambastos at huwag halayin ang mga babae. Sa halip, sabi nga ng ating kurimaw, ipag-date na lang nila si “junior” at ang kanilang kamay. Nakaraos na sila, wala pa silang nilabag na batas.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)